Governor Czarina Umali, patutunayang nagkamali ang kanyang mga detractors sa panghuhusga sa kanya

     Patutunayan umano ni Governor Czarina “Cherry” Domingo-Umali sa loob ng kanyang tatlong taong panunungkulan na nagkamali ang kanyang mga detractors na nanghusga sa kanyang kakayahang mamuno.

Si Governor Cherry Umali habang nanunumpa sa katungkulan na pinangasiwaan ni ABC Nat’l Pres. Edmund Abesamis.

Si Governor Cherry Umali habang nanunumpa sa katungkulan na pinangasiwaan ni ABC Nat’l Pres. Edmund Abesamis.

     Ito ang matapang ngunit mapagkumbabang tinuran ni Governor Umali sa kanyang inaugural address matapos ang kanyang panunumpa sa katungkulan na pinangasiwaan ni ABC President Board Member Edmund Abesamis na ginanap sa Sierra Madre Suites, Palayan City sa harap ng mga elected officials sa mga bayan at lungsod ng Nueva Ecija.

     Pagkatapos manalo, ilang mga kalaban sa pulitika ang minaliit ang kakayahan ng Ina ng Lalawigan, at nagsasabing ang pinalitang asawa na si dating Governor Aurelio Umali lang din ang mamamahala sa Pamahalaang Panlalawigan.

     Ayon kay Governor Cherry, naniniwala siya na mas madali kung magiging magkakakampi sila ng mga kapwa opisyal sa lokal na pamahalaan kaysa maging magkakaaway. Bukas aniya sa lahat ang kanyang tanggapan upang makatuwang ang mga kapwa lingkod bayan na makapagsilbi ng tapat sa mga Novo Ecijano.

Ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kasama si Governor Cherry Umali.

Ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kasama si Governor Cherry Umali.

     Hinikayat ni Umali ang mga alkalde na makipagtulungan at magtrabaho na parang magkaka-pamilya, dahil ipagkakaloob ng provincial government ang parte ng mga munisipalidad at lungsod sa real property tax o amilyar na inaasahan niyang gagamitin sa mga programa at serbisyo.

     Nangunguna sa listahan ng kanyang mga prayoridad ang modernisasyon at mekanisasyon sa agrikultura, paga-upgrade ng mga district hospitals, pagdaragdag ng mga paaralan, pagpapagawa ng mga imprastraktura tulad ng mga kalsada, tulay, at pagpapahusay sa serbisyo sa kuryente maging ng sa internet.

     Si Governor Czarina Umali ang kauna-unahang babaeng Punong Lalawigan ng Nueva Ecija kasunod ng pamumuno ng  tatlumpo at tatlong hanay ng kalalakihan simula noong taong 1898. Clariza de Guzman