Catalanacan Multipurpose Cooperative(CAMPC), nakinabang sa Shared Service Facility ng DTI

     Personal na inabot ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga bagong makina para sa dairy processing sa panibagong benipisyaryo ng Shared Service Facility (SSF), ang Catalanacan Multipurpose Cooperative (CAMPC) sa Science City of Muñoz.

     Humigit kumulang sa kalahating milyong piso ang inilaang pondo ng ahensiya upang maibigay sa naturang kooperatiba ang mga kagamitang pang-proseso. Kabilang na rito ang pasteurizer, freezer, chiller, working table, foot sealer at ph meter sa CAMPC.

     Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, ito na ang 37 kooperatibang natulungan nila sa Probinsiya, sa pamamagitan ng programang SSF mula noong taong 2013 at pangatlo sa pitong SSF na ilulunsad ngayong taon.

     Kasabay ng ipinagkaloob na equipment ng DTI, ang Department of Agrarian Reform naman ang nagbigay ng multipurpose building para sa CAMPC, sa ilalim ng Village Level Processing Center Enhancement Project o VLPCEP ng DAR.

     Ang CAMPC ay isang samahan ng mga magsasaka sa Lungsod ng Muñoz, na kinabibilangan ng Isang daan at Limampu’t Pitong miyembro.

     Sa pahayag ni Leoncio Callo, Chairman ng CAMPC, sa loob ng dalawampu’t walong taon na pagkakatatag ng kanilang kooperatiba ay ngayon lamang sila nakatanggap ng ganitong klaseng tulong mula sa gobyerno.

     Ipinagmamalaki ng CAMPC ang kanilang mga masasarap na produkto mula sa gatas ng kalabaw ang pastillas, espasol, bibingkang gatas at choco milk na mabibili sa Dairy Box sa Maharlika Hi-way, Science City of Muñoz.

     Samantala, naglaan naman ng monitoring team ang DTI na regular na mag e-evaluate sa kooperatiba. -Ulat ni Danira Gabriel