Phil army, naghatid ng Medical at Dental Mission sa Brgy. Doña Josefa, Palayan City

     Nagkaloob ng libreng tulong Medikal at Dental ang Army Aviation o Bagwis Battalion ng Philippine Army sa mga residente ng Brgy Doña Josefa, Palayan City.

     Ayon kay Battalion Commander Andrei Santos, ang aktibidad ay naglalayong maabot ang mga residente na labis na nangangailangan ng atensyong pangkalusugan lalo na ang mga nakatira sa kanayunan.

     Katuwang ng Army Aviation ang 20 duktor ng Medical Team ng Provincial Health Office (PHO), na nagsagawa ng check-up at pagbunot ng ngipin sa daan-daang pasyente, kasabay ang pag-aabot ng mga libreng gamot at bitamina.

     Karaniwan sa mga nakitang kaso ay ang pagdudumi, ubo at sipon. Habang may mangilan-ngilan ding kaso ng malnutrisyon sa mga bata.

     Ang Barangay Doña Josefa ay kabilang sa tinatawag na remote area o liblib na lugar  sa Lungsod ng Palayan. Kung saan, ang karamihan sa dalawang libong mamamayan na naninirahan dito ay mga aeta mula sa Mt. Pinatubo.

     Para kay Jessica, isang katutubo, malaking tulong umano ang ganitong klaseng programa para sa katulad niyang nakatira sa kanayunan. Nagkataon pang isang linggo ng nilalagnat ang kanyang siyam na buwan na bunsong anak.

     Bukod sa Medical at Dental Mission, nagkaroon din ng Seminar ukol sa R.A. 7610 o “anti-child abuse law” na naglalayong mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mamamayan na maprotektahan ang mga bata kontra sa pang-aabuso at diskriminasyon.

     Ang nasabing programa ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Army Aviation Battalion ngayong taon. -Ulat ni Danira Gabriel