Bonita Gowns and Tuxedo, ipinasilip ang mga imported at gawang Pinoy na Wedding Gowns

     Ipinasilip sa amin ng Bonita Gowns and Tuxedo sa Lungsod ng Cabanatuan ang kanilang mga Wedding Gowns na madalas marentahan sa kanilang boutique kung saan ang mga disenyong Pinoy ay hindi naman umano pahuhuli sa mga disenyo ng ibang bansa.

     Kung ang pag-uusapan naman ay presyo ay hindi rin nagkakalayo ang mga ito at makikitang maganda ang kalidad ng pagkakagawa dito.

    Ayon kay Angeli Escube, Cashier ng Bonita Gowns and Tuxedo, ilan sa kanilang mga Wedding Gowns ay gawang Italy, France at Pilipinas, kung saan ang Unang Branch nito ay nasa bansang Japan.

     Imported man ang ilan sa kanilang mga wedding gowns ay mas mabenta pa rin umano ang mga disenyong Pinoy kahit na halos magkapareho lamang naman ang halaga ng mga ito.

     Para sa mga may budget, umaabot sa 9, 000 pesos ang renta ng mga wedding gowns na ito, mapagawang Pilipinas man o ibang bansa, sa mga hindi naman kalakihan ang budget ay mayroon silang wedding gown na nagkakahalaga lamang ng 4, 500 pesos.

     Kung medyo nagtitipid naman sa budget ay mayroon din namang abot-kayang mga wedding gowns ang RNF Neren Gowns na matatagpuan sa Pamilihang Panglungsod ng Cabanatuan.

     Ayon kay Aling Nenita Fernando, may-ari ng RNF Neren Gowns, umaabot na sa apatnaput walo ang kanilang naging costumer para lamang sa buwan ng Hunyo.

     Umaabot lamang mula sa 2, 500 pesos hanggang sa 3, 500 pesos ang renta ng kanilang mga murang damit pangkasal, at nagkakahalaga naman ng 12, 000 pesos ang pinakamagarbong wedding gown na kanilang pinarerentahan.

     Ang magkasintahan na magpapakasal o nagpakasal sa buwan ng Hunyo ay pinaniniwalaang mabibiyayaan ng masagana at masayang pamumuhay dahil inihango ang buwan na ito sa Roman goddess of marriage na si Juno.

     Sa huli, hindi nasusukat sa mamahaling Wedding Gown o marangyang kasal ang magiging pagsasama ng dalawang tao kundi sa tibay ng kanilang pag-iibigan at pananalig sa Diyos.