Statement of Campaign Expenditures ng mga kumandidato, bubusisiin ng COMELEC

Ipinagmalaki ni Provincial Election Supervisor Atty. Jovencio G. Balanquit na ang dating Campaign Finance Unit ng COMELEC ay mas pinalawak na at ginawa ng Campaign Finance Office upang mas matutukan ang pag-eeksamina o pagbusisi sa mga SOCE o Statement of Campaign Expenditures ng mga kumandidato.

Ayon kay Atty. Balanquit, sa loob ng tatlong taon na walang eleksyon ay hihimayin nila ang mga isinumiteng SOCE ng mga kumandidato noong nakaraang eleksyon, upang masiguro na hindi sila lumampas sa itinakdang halaga ng batas na dapat gastusin ng isang kandidato sa pangangampanya.

Giit ni Balanquit, dumaan man sa donasyon ang mga sasakyan, lugar o anumang bagay na ginamit sa pangangampanya ng kandidato ay susumahin pa rin ang halaga nito upang maicompute sa total expenses ng tumakbong kandidato.

Inoobliga ng COMELEC na magdeklara ng SOCE, hindi lamang ang mga nanalo at natalong kandidato, kundi maging ang mga kandidatong nag-withdraw o umurong na sa pagtakbo.

Sa datos ng Provincial COMELEC, mula sa apatnaput tatlong kumandidato sa probinsya ay lima ang bigong makapagsumite ng kanilang mga SOCE na pawang mga indipendyente.

Ang mga kandidatong nanalo na hindi magsusumite ng statement of election expenses ay hindi pauupuin sa opisina habang magkakaroon naman ng karampatang parusa o kaso ang mga natalong kandidato.

Para sa mga kumandidato sa Municipal or City level na bigong makapagsumite ng kanilang SOCE ay maaaring pagmultahin ng Php6, 000, habang nasa Php10, 000 naman ang multa para sa mga kumandidato sa Provincial level. -Ulat ni Shane Tolentino