Mga estudyante sa Pampublikong Paaralan, complete uniform sa unang araw ng klase

     Magkahalong kaba at excitement ang karaniwang nadarama ng mga estudyante sa unang araw ng pagbubukas ng klase, kaya naman sa paglilibot ng News Team ng Balitang Unang Sigaw sa ilang Pampublikong Paaralan ng Elementarya at Sekondarya sa Lungsod ng Cabanatuan ay kapansin-pansin na ang mga estudyante na naka-complete uniform.

     Nadatnan namin ang pitong taong gulang na si Patrick Sapiteros na umiiyak sa loob ng classroom habang inaaalo ng tiyahin nitong si Marie Roxas sa Paaralang Elementarya ng San Josef.

     Ayon kay Aling Marie, ito ang kauna-unahang pagkakataon ni Patrick na pumasok sa Kindergarten dahil may sakit ang kanyang ina, kaya tila takot at tila hindi ito kampante sa loob ng classroom.

     Ilang minuto pa ay palinga-linga lamang si Patrick na tila nakikiramdam sa mga kaklase at hindi rin nagtagal ay nakuha na rin nitong makipagsabayan sa ibang mga estudyante sa pagtataas ng kamay.

     Sa kabila naman ng dalawang linggong enrollment day ay dumagsa pa rin kahapon ang mga late enrollees sa naturang eskwelahan.

     Ayon kay Sir Alcomtiser Santos, School Guidance ng San Josef Elementary School, hindi maiiwasan ang mga late enrollees dahil sa mga karaniwang suliranin ng mga ito tuwing sasapit ang pasukan, tulad ng kawalan ng pang-enroll at pambili ng gamit eskwela.

      Ipinagmalaki naman ni Maam Leonora De Jesus, Principal 1 ng San Josef National High School ang pagkakaroon ng mga CCTV Camera sa loob at labas ng kanilang mga classrooms.

    Ayon dito, malaki ang maitutulong ng mga CCTV Cameras upang mapangalagaan ang mga estudyante at mabantayan sa maaaring maidulot ng hindi maiwasang pambubully.

    Dagdag nito, nasa labing anim na CCTV camera na ang naka-install sa kanilang eskwelahan at mayroon ding 40-43 inches TV at Projector bawat silid-aralan para sa mas modernong pamamaraan ng pagtuturo ng mga guro.

   Handa na rin ang nasabing paaralan para sa Senior High School na sa kasalukuyan ay mayroon ng syamnaput dalawang enrollees.