5,000 trabaho, inialok sa Independence Day Jobs Fair

     Isang taon nang nakauwi si Arlene mula sa pamamasukan niya bilang Domestic Helper sa Taiwan.

     Ngunit, matapos ang anim na taong pangingibang bansa ay mas ninais ni Arlene na mag-apply muna ngayon sa lokal na kumpanya, dahil mahirap aniya ang buhay ng OFW.

     Buwenas ang araw na ‘yon, para kay Arlene dahil matapos ang interview ng World of Work Recruitment Specialist ay agaran na siyang tinanggap bilang isa sa Production Operator ng kanilang kumpanya.

     Dumagsa ang libo-libong Job Seekers sa Jobs Fair na inihandog ng Provincial Government ng Nueva Ecija bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Araw ng Kalayaan“ na ginanap sa Old Capitol, Cabanatuan City.

     Ito na ang ikalawa sa apat na isinasagawang Jobs Fair ng Provincial Emploment Service Office (PESO) taun-taon.

     Ayon kay Michael Calma Chief Officer ng PESO, nais ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Outgoing Gov. Aurelio Umali at Incoming Gov. Cherry Umali na palakasin ang Job Employment sa lalawigan.

     Humigit kumulang sa limang libong trabaho ang inihain ng PESO sa mga Novo Ecijanong naghahanap ng mapapasukan. Sa pakikipagtulungan ng dalawampu’t limang local companies at labing apat na  overseas recruitment agencies.

     Pasasalamat ang naging tugon ni Abegail na isa din sa mga na hired-on-the-spot ng araw na iyon bilang Production Operator.

     Para sa mga interesadong mag-apply, magkakaroon muli ng Jobs Fair sa buwan ng Septyembre bilang pagdiriwang sa “Ika-120 taon ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.” -Ulat ni Danira Gabriel