118th taon ng kalayaan ng Pilipinas, ipinagdiwang ng mga Novo Ecijano

     Alas 8:00 ng umaga ng sinimulang itaas ang bandila ng Pilipinas noong araw ng  linggo, sa harap ng Old Capitol, Cabanatuan City.

     Ito ay bilang pagdiriwang ng mga Novo Ecijano sa Ika-118 anibersaryo ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas laban sa mga dayuhan na may temang “Pagkakaisa, Pag-aambagan, Pagsulong.”

     Dumalo ang daan-daang kawani ng ahensya ng Gobyerno na kinabilangan ng Department of Education, Bureau of Fire and Protection, Provincial Risk Reduction and Management Office at marami pang iba.

     Nakiisa din sina S/Supt. Manuel Cornel Provincial Director-NEPPO, Lt. Col Randy Remonte ng Army’s 3rd Infantry Battalion, Incumbent Mayor Nestor Alvarez ng Science City of Muñoz, Incumbent Mayor Lorna Mae Vero ng Llanera at iba pang mga lingkod bayan.

     Bagaman, hindi nakadalo sina Outgoing Gov. Aurelio Umali at Incoming Gov. Cherry Umali ay nagpahatid naman sila ng mensahe sa pamamagitan ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis.

     Sa mensahe ay ginunita ang kabayanihan na ipinamalas ng mga lahing Pilipino noon sa pananakop ng mga Kastila at ang kahalagahan ng kasarinlan na kasalukuyan nating natatamasa.

     Binanggit din ni Abesamis ang iba’t-ibang mukha ng kalayaan na natatamasa ngayon ng mga Novo Ecijano.

     Samantala, bago tuluyang magtapos ang programa ay nagbigay ng natatanging bilang ang Nueva Ecija High School Dance Troupe. Habang ang Nueva Ecija Provincial Government Chorale naman ang umawit ng Martsa ng Nueva Ecija. -Ulat ni Danira Gabriel