Breast Milk, huwag ipagdamot kay baby

“Breast milk is still best for babies” eka nga. Hindi matutumbasan ng milk formula ang pagmamahal ng isang ina. Ito ang iginiit ng Arugaan sa “Brestfeeding 101” seminar para sa working moms, mga nurse at doktor na ginanap sa Cabanatuan City.

Ang Arugaan ay isang grupo na binuo ng working moms upang magbigay ng gabay sa mga magulang ukol sa tamang pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Ayon kay Nanay Ines Fernandez, wala nang tatalo sa sustansya, bitamina at anti-bodies na makukuha ng sanggol mula sa gatas ng ina sa exclusive breastfeeding sa unang oras ng panganganak hanggang anim na buwan.

Hindi na umano kailangan pang mag-alala ng mga nanay na may trabaho  dahil ipinasa na ang batas na Republic Act 10028 o ang tinaguriang “expanded breastfeeding promotion act of 2009.”

Nakasaad sa batas ang pagtatalaga ng mga Breastfeeding Station sa mga pampublikong lugar at mga opisina. Ang mga Breastfeeding Station na ito ay nararapat na ligtas, kumportable, at malinis upang maayos na makapagpasuso at makapaggatas ang mga ina.

Sa pananaliksik ng mga dalubhasa, ang tuloy-tuloy na pagpapasuso sa mga sanggol sa loob ng anim na buwan ay magbibigay ng ilang mga benepisyong pangkalusugan sa bata.

 

BENEPISYO NG PAGPAPASUSO SA MGA SANGGOL

  • PAGPAPABABA SA POSIBILIDAD NG PAGKAKASAKIT
  • MASUSTANSYANG PAGKAIN
  • MADALING PAGTUNAW

 

BENEPISYO NG PAGPAPASUSO SA MGA INA

  • MAS MABILIS NA NANUNUMBALIK SA NORMAL ANG MATRES NG BAGONG PANGANAK NA INA
  • MAS MABILIS NA PAGKAWALA NG SOBRANG TIMBANG NA NAKUHA DAHIL SA PAGBUBUNTIS
  • MAS MABABANG POSIBILIDAD NG PAGKAKASAKIT NG KANSER SA SUSO AT OBARYO
  • MAS MABABANG POSIBILIDAD NG PAGRUPOK NG BUTO O OSTEOPOROSIS
  • MAS MABABANG POSIBILIDAD NG PAGLALA NG KONDISYON NG DIABETES

 

Para kay Patricia, sa loob ng dalawang taon na pagpapasuso sa kanyang anak na si Eliana ay wala ng hihigit pa sa nutrisyon at bonding na naibibigay nito sa kanilang mag-ina. -Ulat ni Danira Gabriel