Aquakids Nueva Ecija, nakapag-uwi ng sampung gintong medalya sa ginanap na Novice-C Swimming Competition

     Dalawang Most Outstanding Swimmer trophies, sampung Gold Medals, tatlong Silver Medals at limang Bronze Medals, ito ang mga napanalunan ng Aquakids Nueva Ecija sa kauna-unahan nilang pagsabak sa swimming competition bilang isang grupo, sa Don Bosco Technical College, Kalentong, Mandaluyong City.

     Ang naturang kompetesyon ay inisponsoran ng Samahang Manglalangoy ng Pilipinas at Chito Rivera Learning Aquatic and Services Inc., kung saan tatlumpu’t isang swimming team ang naglaban-laban.

     Ayon kay Dr. Manuel O. Montenegro, co-founder ng Aquakids Nueva Ecija, nabuo ang kanilang samahan nito lamang buwan ng Marso, na inorganisa ng mga magulang upang makabuo ng isang samahan ng mga manglalangoy na kakatawan sa Lalawigan ng Nueva Ecija.

     Labing tatlong kabataan na edad walo hanggang labing lima mula sa iba’t-ibang paaralan ang bumubuo sa Aquakids.

     Walo sa mga ito ang nakapag-uwi ng mga medalya kung saan nakatunggali nila ang 339 pang mga manglalangoy.

     Ang syam na taong gulang na si Marielle Charlize Montenegro ay nakakuha ng limang Gold Medals at isa sa pinarangalan bilang Most Outstanding Swimmer.

Napagtagumpayan ng Aquakids Nueva Ecija na masungkit ang dalawang Most Outstanding Swimmer trophies, 10 gold, 3 silver at 5 bronze medals sa 2nd Invitational Novice-C Swimming Competition sa Don Bosco Technical College, Kalentong, Mandaluyong City.

Napagtagumpayan ng Aquakids Nueva Ecija na masungkit ang dalawang Most Outstanding Swimmer trophies, 10 gold, 3 silver at 5 bronze medals sa 2nd Invitational Novice-C Swimming Competition sa Don Bosco Technical College, Kalentong, Mandaluyong City.

     Ayon kay Marielle, ang pagkakauwi nito ng mga medalya ay nangangahulugan ng patuloy na hamon sa kanya upang lalo pang pag-ibayuhin ang sariling kakayanan sa paglangoy.

     Tila hamon din para kay Ces Janna Ongcuangco ang pagkakapanalo nito ng dalawang gold medals, dalawang silver medals, isang bronze medal at isa din sa pinarangalang Most Outstanding Swimmer, upang lalo pang galingan sa mga susunod pang laban ng kanilang grupo.

     Kabilang din sa mga nakapag-uwi ng mga karangalan ay sina Raine Albert Dysangco na nakakuha ng isang gold medal at dalawang bronze medals, ang labing tatlong taon na si Trixie Tadiaman ay nakapag-uwi naman ng isang gold medal.

Mga batang edad walo hanggang labing lima na bumubuo sa Aquakids (samahan ng mga manglalangoy) bilang representante ng Lalawigan ng Nueva Ecija.

Mga batang edad walo hanggang labing lima na bumubuo sa Aquakids (samahan ng mga manglalangoy) bilang representante ng Lalawigan ng Nueva Ecija.

     Ang sampung taong gulang na si Alfred Vincent Gutierrez ay nakakuha din ng isang gold medal, habang silver medal naman ang nakuha ng labing isang taong gulang na si Fredrico Ragudo.

     Tig isang bronze medal naman ang napanalunan nina Donna Maykaylee Fukui at Julius Rylee Ortiz.

     Pursigido at determinado pa rin naman sina Maria Carel Crisostomo, Christian Russel Castelltort, Deepinder Singh, Jasvidder Kaur Singh at Emmanuel Peñaloza na lalo pang mag-ensayo upang makabawi sa mga susunod pang mga patimpalak sa loob man at labas ng lalawigan.

     Malaking salik naman umano sa buhay ng isang bata ang matutunan ang paglalangoy ayon kay Coach Michael Angelo Gimeno, dahil magagamit nila ito hindi lamang sa mga kompetisyon kundi maging sa panahon ng pangangailangan.

     Pang-kalusugan at hindi lamang pang-sports, ganito naman inilarawan ni Coach Richard Antolin ang pagsu-swimming kung saan hinikayat nito ang mga kabataang manglalangoy na maging kabahagi ng Aquakids upang lalo pang bigyang karangalan ang lalawigan.

     Samantala, hinihikayat din ni Dr. Montenegro ang mga batang manglalangoy sa lalawigan na makiisa sa kanilang grupo upang lalo pang makilala ang talento at galing ng mga kabataang Novo Ecijano sa larangan ng swimming.

     Sa mga nais sumali o mapabilang sa grupo, maaaring makipag-ugnayan o kontakin sina Coach Gimeno at Dr. Montenegro sa mga numerong 09162547370 at 09175436895 para sa mga detalye.