Mobile Water Treatment, sinimulan sa Brgy. San Antonio, Laur

Masangsang na amoy at hindi magandang lasa ng tubig poso ang matagal na tiniis ni Mang Rudy, residente ng Brgy. San Antonio, Laur, Nueva Ecija dahil sa kawalan ng ibang mapagkukunan ng malinis na tubig sa kanilang lugar.
Ayon sa kanya, likas na sa kanilang lugar ang hirap sa pagkuha ng malinis na inuming tubig. Ang tanging inaasahan lamang nila ay ang tubig-poso ng kanilang kapitbahay.

Kaya naman, dito sa Brgy San Antonio napili ng Provincial Government na ilunsad ang Mobile Water Treatment.

Ang Mobile Water Treatment ay pabuya ng Spanish Government sa probinsiya dahil sa mahusay at magandang record ng Nueva Ecija, pagdating sa kahandaan sa panahon ng kalamidad.

Ito ay may kakayahang mag purify ng maruming tubig sa pamamagitan ng isang makina, magmula man ito sa iba’t-ibang anyo ng tubig kagaya ng sapa, batis o ilog.

Ayon kay Elizabeth Baracao ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ang proyekto ay mula sa Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali na naglalayong mabigyan ng sapat at malinis na tubig ang mga residenteng nakatira sa mga kanayunan.

Ang naturang barangay ay hindi lamang hirap sa malinis na tubig tuwing mayroong bagyo kundi maging sa panahon din ngayon na tag-tuyot o El Niño.

Tinatayang mahigit sa anim na raang residente ng barangay ang makikinabang sa nasabing proyekto. Kaya naman, lubos ang pasasalamat ni Konsehal Ronelio sa Pamahalaang Panlalawigan. -Ulat ni Danira Gabriel