PWD’s, libre na sa VAT

     Ipinanganak si Ningning na may kapansanan sa kamay at paa. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa opisina ng Nueva Ecija Associations of Persons with Disability.

     Bagamat may pinagkakakitaan, bilang isang may maybahay hirap pa rin siya sa pang araw-araw na gastusin sa bahay.

      Kaya’t laking tuwa niya ng kanyang mabalitaan, na hindi na papatawan ng 12 percent VAT ang mga bibilhing good and services ng mga katulad niyang may kapansanan o Persons With Disabilities.

     Sa ilalim ng Republic Act 10754, ang 12% VAT Exemption ay liban pa sa 20% discount na nakukuha ng PWD’s na nasasaad naman sa Magna Carta for Disabled Persons.

     Ang naturang batas ay naglalaan din ng P25,000 taunang income tax deduction sa kaanak ng isang PWD na kasama nito sa bahay at siyang nangangalaga rito. Gayunman, kailangang ang kanilang relasyon bilang magkamag-anak ay hindi lalayo sa ikaapat na antas o 4th degree.

      Sa ilalim pa nito, ang lahat ng PWDs ay libre na ang VAT sa lahat ng uri ng transportasyon, mga bayarin sa medical at dental services, kasama na rin ang diagnostic at laboratory fees.

      Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 1.5 million ang populasyon ng mga PWDs sa bansa. -Ulat ni Danira Gabriel