Brgy. Buliran, kampeyon sa 1st Inter-Barangay Tournament ng Cabanatuan City

     Naging mainit ang bakbakan sa pagitan ng Barangay Buliran at Bantug Bulalo sa Game 2 finals ng kauna-unahang Inter-Barangay Tournament sa lungsod ng Cabanatuan.

     Hindi pinayagan ng Barangay Buliran na manalo pa ang Bantug Bulalo sa ikalawang laro ng finals.

     Sa First Quarter pa lang ay dikdikan na ang naging laban ng dalawang grupo. Kung saan, unang lumamang ang Bantug Bulalo.

     Ngunit, hindi nagpatalo at humabol ang Buliran, na nagresulta sa pantay na score na 15 points sa pagtatapos ng Unang Quarter.

     Pagdating sa Second Quarter, dikitan pa rin ang puntos ng magkabilang team. Parehong gigil ang bawat kuponan na makapuntos at madepensahan ang kalaban. Hanggang sa nagsarado ang second half ng game sa score na 36-35, umangat ng isang puntos ang lamang ng buliran sa Bantug Bulalo.

     Sa Ikatlong bahagi, humataw ang Bantug Bulalo sa sunod-sunod na puntos na ginawa ng koponan. Nahirapan din makapuntos ang kalaban sa depenseng kanilang ipinamalas. Kaya’t tinambakan ng labing tatlong puntos ng Bantug Bulalo ang Buliran sa pagtatapos ng 3rd Quarter.

     Sa Final Quarter, lalong gitgitan ang naging laro sa loob ng court. Kung saan, pumantay ang score ng bawat koponan sa 67 points sa unang limang minuto.

     Sa sobrang tensyon at init ng labanan, ay hindi naiwasan na magkaroon ng pisikalan sa pagitan ng mga manlalaro, na agaran din naman naayos ng mga sports committee.

    Sa huling labing limang segundo ay tagumpay si Raymond Dela Cruz ng Buliran na maiangat score ng kanilang koponan sa pamamagitan ng kanyang follow up shot, na nagresulta sa pagkapanalo ng kanilang team sa score na 75-74.

     Samantala, nasungkit naman ng Barangay San Josef sur ang 2nd runner up, habang ang Barangay mMtadero ay pumwesto sa 3rd  runner up.

    Ayon kay Alvin Grey Sports Coordinator ng Inter-Barangay Tournament 2016, ang palaro ay naglalayong makahanap ng mga magagaling na manlalaro mula sa 62 koponan na lumahok ngayong taon, na posibleng maidala sa Maynila para maisali sa PBA o Philippine Basketball Association.

Inaasahan na sa darating na buwan ng Nobyembre ay sisimulan ang Ikalawang Inter-Barangay Tournament sa lungsod. -Ulat ni Danira Gabriel