3 Senatorial Candidates, sinuportahan ang Climate Change forum sa Nueva Ecija

     Mainit ang naging pagtanggap ng mga mamamayan ng bayan ng Llanera, Nueva Ecija sa pagdating ng mga Senatorial Candidates na sina Risa Hontiveros, Leila De Lima at Panfilo Lacson sa bulwagan ng munisipyo ng naturang bayan upang makiisa sa Climate Change adaptation forum.
Ayon kay Mayor Lorna Mae Vero, ramdam na ng mga tao ang lumalalang Climate Change sa mundo. Hindi umano ito dapat ipagsawalang bahala, lalo na ang epektong dulot nito sa kabuhayan ng mga magsasaka sa kanilang bayan maging sa buong lalawigan.
Sinegundahan ito ni dating Senador at Rehabilitation Czar Panfilo Lacson, ikinwento din niya ang naging karanasan sa kanyang pamumuno sa pagtama ng Bagyong Yolanda sa acloban.

Aniya, kinakailangan na maging handa ang publiko sa padalas ng padalas at padami ng padami na mga nararanasang kalamidad sa bansa.

     Dagdag pa ni Lacson, sa kanyang pagbabalik sa Senado itutulak niya ang “BRAVE” o Budget Reform Advocacy for Village Empowerment na naglalayong  ayusin ang budget na hindi nagalaw sa mga nakalipas na mga taon at direktang ibibigay sa mga Local Government Units(LGUs) upang magamit sa mga proyektong nangangailangan ng pondo.

     Para naman sa dating Direktor ng PhilHealth na si Risa Hontiveros, bukod sa Climate Change, kailangan din ng bansa ang Kalusugang Pangkalahatan o Universal Healthcare na kanyang isinusulong sa ikatlong beses niyang pagtakbo sa Senado.

     Matatandaan na ang dating kongresista ay hindi pinalad na manalo sa kaparehong posisyon sa mga nakaraang eleksiyon.
Anya, naniniwala siya na ang senado ay hindi lamang para sa mga may bigating apelyido kundi maging para sa mga ordinaryong mamamayan na may extra-ordinaryong pangarap para sa bansa.

     “Justice without fear or favor” ang pangako naman ni dating Department Of Justice Secretary Leila De Lima sa pagsabak niya sa Senado.

     Bukod sa pagiging Justice Chief, nagsilbi ding Chairperson ng Commision on Human Rights si De Lima. Isusulong daw niya ang pagbibigay ng hustisya, paglaban sa korapsiyon at pagtatanggol sa karapatang pangtao. -Ulat ni Danira Gabriel