SA TULONG NG PROVINCIAL GOVERNMENT AT TEAM SAVE CABANATUAN: PMTC, MAGHAHATID NG LIBRENG SERBISYO PARA SA MGA CABANATUEÑO

     Libreng serbisyo ang handog ng Provincial Manpower Training Center o PMTC para sa lahat ng mga Cabanatueño.

     Ito ay dahil sa programang “Kalingang Handog Sa Mamamayan” ng Team Save Cabanatuan at Provincial Government sa pangunguna ni Governor Oyie Umali at Congresswoman Cherry Umali.

     Mag-iikot sa lahat ng barangay sa buong lungsod ang grupo ng PMTC upang magbigay ng mga libreng serbisyo tulad ng small engine or motorcycle tune-up, electronics or appliance repair, manicure/pedicure, massage therapy at free haircut.

     Noong Martes (January 12) ay opisyal nang nagsimula ang programa sa Barangay Caalibangbangan kung saan umabot sa limandaang mamamayan ang nabenepisyuhan.

     Ang naturang programa ay bahagi na rin ito ng on the job training ng mga estudyante ng PMTC kung saan nai-aapply nila ang kanilang mga natutunan sa training center.

     Isa sa mga estudyante ng kursong automotive technology si Jairus Nevrida. Ayon sa kanya, dahil sa PMTC ay nadagdagan pa ang kanyang kaalaman sa pagkukumpuni ng mga sasakyan at mas lumaki umano ang kanyang tsansa na makapagtrabaho sa ibang bansa.- Ulat ni Janine Reyes