Hinihinalang magnanakaw, patay sa engkwentro vs pulis; Bodyguard ni Mayor Uera, todas sa pamamaril; Tatlong carnappers, tumba

Isang hinihinalang magnanakaw ang napatay ng mga pulis sa engkwentro sa brgy. San Nicolas, Gapan City.

Isang hinihinalang magnanakaw ang napatay ng mga pulis sa engkwentro sa brgy. San Nicolas, Gapan City.

     Patay sa engkwetro kontra sa mga pulis ang isang hinihinalang magnanakaw sa barangay San Nicolas, Gapan City.

     Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakikilala ang lalaki na inilagak sa Jacinto Funeral Parlor.

    Base sa ulat ng Gapan Police Station, 3:00 ng madaling araw nang tugisin ng mga otoridad sa kahabaan ng NIA road ang suspek na naka-angkas sa isang kulay itim na Kawasaki Bajaj motorcycle na walang plaka at armado ng caliber .38 revolver.

    Nagawa umanong makatakas ng driver ng motorsiklo na kasama ng namatay na suspek nang mangyari ang insidente.

     Pantabangan- Apat na tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ng isang 53-anyos na dating pulis, close-in-security ni Mayor Lucio B. Uera, at napag-alamang kasama sa Drug Watch List ng Pantabangan Police Station.

    Natagpuan sa gilid ng Pantabangan-Baler Road sa Barangay East Poblacion, ang biktimang nakilalang si Carlito Barcelo y Vargas, may asawa, ng Bgy. Villarica.

    Batay sa report ng pulisya, 11:00 ng gabi nang mapadaan si SP04 Napoleon Ladores miyembro ng Highway Patrol Group ng Camp Crame sa Quezon City, sa lugar patungong Aurora at mapansin niya na may taong nakahandusay sa kalsada kaya agad niya itong iniulat sa pulisya.

Natagpuang patay ang close-in-security ni Mayor Lucio Uera sa gilid ng kalsada sa brgy. East Poblacion, Pantabangan.

Natagpuang patay ang close-in-security ni Mayor Lucio Uera sa gilid ng kalsada sa brgy. East Poblacion, Pantabangan.

    Ayon sa salaysay ng isang residenteng naninirahan malapit sa kalsada kung saan nakita ang biktima, nakarinig siya ng apat na putok ng baril at sigaw ng isang lalaki na humihingi ng saklolo at nagmumura.

    Kasunod ng paghiyaw ay muli umano siyang nakarinig ng putok ng baril at pagharurot ng isang motorsiklo.

    Narekober ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang isang caliber .38 na may limang bala, limang basyo ng bala ng kalibre .45 baril, isang unit ng kulay red na Honda XRM, mga personal na gamit ng biktima, kabilang ang isang pouch na naglalaman ng iba’t ibang drug paraphernalia.

Nakipagbarilan umano sa mga pulis ang 3 hinihinalang holdaper  sa isinagawang checkpoint sa tulay ng Palusapis, Muñoz.

Nakipagbarilan umano sa mga pulis ang 3 hinihinalang holdaper sa isinagawang checkpoint sa tulay ng Palusapis, Muñoz.

    Science City of Munoz- Tumba sa pakikipag-barilan sa mga otoridad ang tatlong hinihinalang carnapper sa tulay ng Barangay Palusapis.

    Sa pinaka huling ulat, nakilala ang isa sa mga suspek dahil sa dala nitong ID na diumano’y si Lazaro Reyes III y Jimenez, 20 anyos, residente ng barangay Malapit, San Isidro, habang wala pang pagkakakilanlan at naghihintay pa ng mga posibleng kakilala ang dalawa.

    Nabatid na 4:30 ng madaling-araw, nagsasagawa ng checkpoint ang Munoz Police Station makaraang makatanggap ng report ng insidente ng motornapping.

    Namataan umano ng mga otoridad sa ginawang operation na dala ng tatlo ang kinarnap na motorsiklo base sa deskripsiyon nito na isang Honda Wave 100 na kulay blue at black.

    Ngunit nang lapitan ng mga pulis ang mga suspek ay bigla na lamang itong namaril kaya nakipagpalitan ng putok ang mga otoridad na nag-resulta sa kagyat na kamatayan ng tatlo.

    Kabilang sa mga nasamsam ng SOCO at Munoz Police mula sa mga kagamitan ng suspek ang isang caliber 9mm pistol, caliber .38 revolver, kalibre .45 baril, at tatlong small sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at dalawang black bonnet.

    Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng mga baril, at isang MK2 hand grenade.- ulat ni Clariza de Guzman.