Grupo ng Mambayu sa Bayan ng Guimba, patuloy na nakikipaglaban para sa lupang binubungkal

     Sa loob ng dalawamput tatlong taon na pagbubungkal at pakikipaglaban sa karapatan sa pinuposisyunang 86 ektaryang lupain sa Barangay Manggang Marikit sa Bayan ng Guimba, ay nananatiling nagkakaisa  at matatag  ang Grupong Mambayu, samahan ng mga magsasaka mula sa Barangay Manggang Marikit, Bagong Barrio at Yuson, upang makamit ang tunay na reporma sa lupa.

     Sinimulan noong taong 1991 ng grupo na linisin at bungkalin ang 86 ektaryang lupain na nasasakupan ng Barangay Manggang Marikit, nang ito ay tiwangwangin sa loob ng tatlong taon ng nagmamay-aring si Gay Davis.

     Umaabot sa mahigit isang daang magsasaka mula sa tatlong barangay na nabanggit ang aktwal na nagbungkal at pumosisyon dito.

     Tahimik umano na namumuhay ang grupo mula sa dating asyendang kanilang binubungkal para sa kanilang hanap-buhay, nang  sumipot ang isang grupo na tinawag na Lista-Saka, mga residente din ng naturang barangay, na pilit umaangkin dito.

     Kinatigan ng DAR o Department of Agrarian Reform ang grupong Lista-Saka at naglabas ng order o kautusan na nagpapaalis sa grupong Mambayu sa nasabing lupain.

     Taong 2012, mahigit sa apat na raang kapulisan at kasundaluhan ang nagtungo sa nasabing lupain upang iserve ang order ng korte na nagpapaalis sa grupong Mambayu, bagay na hindi pinayagan ng grupo.

     Lumaban at sama-samang nanindigan ang grupo ng Mambayu na hindi lilisanin ang pinoposisyunang lupa at patuloy na isusulong ang tunay na reporma sa lupa, kahit pa samu’t saring kaso ang isinampa sa ilang miyembro ng kanilang grupo na itinuturing nilang panggigipit sa kanila.

     Samantala, kasabay ng pagdiriwang ng Human Rights Week, nagsama-sama ang ilang progresibong grupo ng magsasaka na kinabibilangan ng Grupong Mambayu, KUMPERMA, Liga Ng Manggagawang Bukid, Kilos Patubig at Alyansa Ng Magbubukid Sa Gitnang Luzon upang ipahayag ang kanilang patuloy na paninindigan  at pagtayo sa karapatan ng mga aktwal na nagbubungkal ng lupa.-Ulat ni Clariza De Guzman