IBA’T IBANG ISYU SA KURYENTE SA BANSA, TINALAKAY NINA DOBOL P AT FORMER DOE SEC. JERICHO “ICOT” PETILLA

Tinalakay nina dating DOE o Department of Energy Secretary Jericho “Icot” Petilla at Philip  “Dobol P”  Piccio ang iba’t ibang isyu tungkol sa kuryente sa bansa sa programang Dobol P ng NE-TV48.

Kabilang sa mga napag-usapan ng dalawa ang pagbabago sa presyo ng kuryente ng ilang mga Distribution Utilities sa bansa at maging ang mga isyung ibinabato sa mga ito particular ang isyung nagkakaroon ng conflict of interest dahil na rin karaniwan sa mga ito ay mismong nagmamay-ari ng mga planta ng kuryente na pinagkukunan ng supply para ibenta sa taong bayan.

Ayon kay Petilla, nakapasa na sa ERC o Energy Regulatory Commission ang kaniyang ginawang circular order na nag-uutos na hindi na maaaring bumili ang isang Distribution Utility sa sarili nilang kumpanya na nagbebenta ng kuryente.

Bagkus aniya, dapat ay magkaroon ng bidding o dapat ay mayroong pagpipiliang mga kumpaniyang nagbebenta ng kuryente dahil ang interes ng publiko ang dapat inuuna at hindi ang interes ng mga malalaking negosyante gaya ng Distribution Utilities.

Hamon pa ng dating kalihim sa publiko na ikumpara ang kanilang mga lumang electric bills sa kasalukuyan upang makita ang pagbabago sa presyo ng kuryente na kaniyang sinikap na maipatupad na unti-unti ng nararamdaman sa maraming bahagi ng bansa.

Hindi naman naiwasang maikumpara ni Dobol P sa ibang lugar ang hirap na patuloy na dinaranas ngayon ng mga Cabanatueño dulot ng mataas na singil sa presyo ng kuryente ng nag-iisang Distribution Utility sa lungsod, ang CELCOR o Cabanatuan Electric Corporation.

Ayon kay Dobol P, kung ang ibang bayan o lalawigan ay ramdam na ang pagbaba ng presyo ng kuryente, dito sa lungsod ng Cabanatuan ay hirap pa ring makita at maramdaman ito.

Sa huli, matapang na nag-iwan ng salita si Dobol P na dapat magkaisa ang taong bayan upang labanan ang mga mapagsamantalang negosyante  at mga kumpaniyang patuloy na umaabuso sa mga ordinaryong mamamayan.-Ulat ni MARY JOY PEREZ