Bakbakan sa Kuryente sa Cabanatuan, Umiinit

Si Dobol P kasama ang mga tagasuportang Cabanatueño sa harap ng Cabanatuan City Hall of Justice.

Si Dobol P kasama ang mga tagasuportang Cabanatueño sa harap ng Cabanatuan City Hall of Justice.

     Mahigit 100 Cabanatueño sa pangunguna ng mga opisyal ng Cabanatuan City Consumer’s Association ang nagtipun-tipon  sa harap ng Bulwagan ng Katarungan at nagpamalas ng kanilang suporta kay Philip “Dobol P” Piccio para sa mga kasong kinakaharap nito na dinidinig sa sala  ni Judge Felizardo Montero Cabanatuan City RTC Branch 29.

     Matatandaan na si Piccio ay kinasuhan ng 9 na kaso ng libelo ni Ria Vergara na asawa ni Mayor Jay Vergara dahil sa pambabatikos sa diumano’y mataas na singil sa kuryente ng Cabanatuan Electric Corporation kung saan President at Finance Chief Officer ito, at Vice President ng First Cabanatuan Ventures Corporation na isa sa mga sinasabing Independent Power Producer ng Celcor.

     Habang hinihintay ang oras ng paglilitis sa mga kaso ni Dobol P ay tumaas ang tensyon sa  labas ng Bulwagan nang magdatingan din ang ilang supporters ni Ria kasama ang kanyang anak at asawang si Mayor Jay.

     Dumating din ang grupo ng Team Save Cabanatuan sa pangunguna nina Kapitan Ramon “Suka” Garcia at Doc Anthony Umali.

Eksena sa harap ng Cabanatuan City Hall of Justice bago ang hearing ng mga kasong libel ni Dobol P na isinampa ni Ria Vergara na asawa ni Mayor Jay.

Eksena sa harap ng Cabanatuan City Hall of Justice bago ang hearing ng mga kasong libel ni Dobol P na isinampa ni Ria Vergara na asawa ni Mayor Jay.

     Ikinatuwa naman ng mga Cabanatueño ang pagpunta at pagdalo ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali sa hearing ni Piccio.

     Samantala, nabinbin ang nakatakdang pre-trial ng 4 sa siyam na kaso ng libel na isinampa ni Ria kontra kay Dobol P dahil naghain ng  amendment information ang kampo ng nagsasakdal  para sa limang natitirang kaso na sana’y dedesisyunan na ng korte.- ulat ni Clariza de Guzman