BAYAN NG TALAVERA, PATULOY SA PAG-UNLAD

     Tuluy-tuloy na ang pag-unlad ng bayan ng Talavera kung saan inaasahan na itong maging isang ganap na lungsod sa susunod na dalawang taon.

     Ayon kay Talavera Mayor Nerivi Santos, unti-unti na nilang nakukuha ang lahat ng requirements o ang mga kinakailangan upang maging isang lungsod na ang kanilang bayan.

     Gaya na lamang ng pag-abot sa P100million local income ng munisipalidad para masabing maaari na itong mapabilang sa mga City sa lalawigan.

     Sa kasalukuyan kasi, nasa P70 million pa lamang ang pumapasok na kita ng munisipyo galing sa mga buwis mula sa residential at sa mga commercials.

     Malaki ang pasasalamat ni Mayor Santos sa Pamahalaang Panlalawigan para sa walang tigil na pagbibigay ng mga proyekto katuwang ang LGU o Local Government ng Talavera partikular ang pagkakaloob ng mga brgy. hall, gymnasium at pagpapagawa ng mga kalsada na ayon sa kaniya ay napakalaking tulong sa kaniyang mga nasasakupan.

     Kaugnay nito, kamakailan lamang ay muling nabigyan ng parangal ang naturang bayan bilang may “Pinakamaringal na Pamilihan” sa lalawigan ng Nueva Ecija.

     Ito na ang ikalawang taon na nakuha ng Talavera ang titulong ito na ipinagkaloob ng DTI o Department of Trade and Industry sa pangunguna ni DTI Provincial Director Brigida Pili.

     Samantala nauna rito, naging nominado ang Alkalde na maging representative ng bansa na maging dialogue speaker sa PIDD o Pangkor International Development Dialogue, noong nakaraang Oktubre, sa Malaysia, kung saan nakasama niya ang tatlong opisyal ng mga bansang Indonesia, Malaysia at Thailand.-Ulat ni MARY JOY PEREZ