CRIME VOLUME SA LALAWIGAN, TUMAAS ANG BILANG -PNP

Lumobo sa 8,434 ang naitalang bilang ng mga krimen sa Nueva Ecija ngayong taon mula sa dating 6,496 noong  nakaraang taon.

Ito ay base sa naging ulat ng PNP o Philippine National Police na ipinrisinta ni Provincial Director Manuel Cornel sa harap ng mga opisyal ng DILG o Department of Interior and Local Government, AFP o Armed Forces of the Philippines kasama si Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Umali at iba pang mga ahensya  ng gobyerno.

Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, pinakamalaki ang bilang na naitala sa kaso ng Physical Injury na nasa 2,041 at Cattle Rustling na umabot sa 593.

Dahil dito, nagbigay ng suhestiyon ang gobernador sa PNP at AFP kaugnay sa pagtaas ng krimen sa Nueva Ecija aniya, kailangang rebisahin ng kapulisan ang kanilang mga programa na magpapatibay sa kanilang mga operasyon para sa katahimikan ng lalawigan.

Ayon kay Cornel, bagaman tumaas ang bilang ng krimen sa lalawigan ay walang dapat ikabahala ang publiko dahil  magkatuwang ang PNP at AFP sa pagpapaigting ng mga programa para sa kapayapaan lalo na nga at nalalapit na ang mahaba-habang bakasyon ngayong Undas at pananatilihin umano nila ito hanggang sa pagsapit ng 2016 National and Local elections.

Kaugnay nito, upang mas mahikayat ang taong bayan na makiisa sa mga alagad ng batas na lipunin ang mga masasamang loob, nakahandang magbigay ng reward money si Gov. Oyie sa sinumang makapagtuturo sa mga taong nasa likod ng sunud-sunod na krimen sa Nueva Ecija.

Samantala kasunod nito, kasado na ang budget ng PNP para sa 2016 na ilalaan sa mga proyekto, plano at programa para sa peace and order.-Ulat ni MARY JOY PEREZ