Mga Kawani ng Munisipyo ng Pantabangan, Tatlong Buwan ng Hindi Sumusweldo

More than 200 employees of the LGU Pantabangan were affected by the feud between Mayor Uera and Vice Mayor Huerta.

More than 200 employees of the LGU Pantabangan were affected by the feud between Mayor Uera and Vice Mayor Huerta.

Nahihirapan na ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Pantabangan dahil mula May 1, 2015 hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nila nakukuha ang kanilang tatlong buwang sweldo na naka-deposito sa Philippine National Bank.

Ito ay sa kabila ng naging decision ng Court of Appeals na nagbabalik kay Mayor Lucio Uera sa kanyang pwesto makaraang pansamantalang maupo bilang Punong Bayan ng Pantabangan si Vice Mayor Ruben Huerta dahil sa kautusan ng Department of Interior and Local Government kasunod ng desisyon ng Ombudsman sa kasong kinasangkutan ni Mayor Uera.

Ayon sa Private Secretary ni Uera na si Gerardo Sator, hinahanapan sila ng PNB ng certification of recognition mula sa DILG bilang katunayan na ibinalik na sa kanyang posisyon si Mayor Uera.

Dahil dito ay nagiging biktima na umano ng mga usurero o mga nagpapautang ng patubuan ang mahigit dalawandaang empleyado ng Munisipyo ng Pantabangan kung saan mahigit isandaan at pitumpo sa mga ito ay permanent employee.

Ipinagtataka ngayon ng mga kawani ng Pantabangan kung bakit nagkakaroon sila ng problema sa pagwi-withdraw ng pondo sa PNB samantalang sa ibang mga bangko tulad ng Producer’s Savings Bank, Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines ay maayos naman ang kanilang transaksyon.- ulat ni Clariza de Guzman