Colors of Rice 3rd Exhibit ng Rice Museum, Ibinukas na sa Publiko

1

Kaiba sa karaniwang kulay ng bigas na puti na nakasanayan na nating nakahain sa ating mga hapag kainan ang ating matutunghayan sa Rice Museum sa pagbubukas nitong muli sa publiko para sa exhibit ng iba’t ibang kulay ng bigas na may temang “Colors of Rice”.

Nakiisa sa ceremonial opening ng 3rd exhibit ng museum ang mga opisyal ng Philrice sa pamumuno ng bagong Executive Director na si Dr. Calixto Protacio, mga kagawad ng media, mga bisita mula sa UP Los Baños at iba pa.

Pagpasok mo sa museum maaakit ka sa mga kakaibang kulay ng bigas na binigyang buhay sa mga obra ng mga alagad ng sining na nagbahagi ng kanilang talento para maipakita ang pagbabago sa kultura nating mga Pinoy sa larangan ng agrikultura.

Hindi mo aakalain na bukod pala sa sumisikat na ngayong masustansiyang brown rice ay may iba pang kulay ang bigas; may kulay itim, violet, at red rice.

2Sinasabing ang iba-ibang kulay na ito ng bigas ay mayaman sa vitamins at minerals na mainam sa ating kalusugan. Ngunit ang pinaka tampok sa lahat ng kulay ay ang dilaw.

Paliwanag ng Curator ng Rice Museum na si Sofia Maria Cuevas, isinama ang replica ng Golden Rice sa museo upang ipakilala ito sa publiko at para na rin pabulaanan ang mga lumalabas na impormasyong kontra dito.

Tinaguriang “The Rice of Tomorrow” o ang bigas sa hinaharap, ang Golden Rice na dinidevelop at kasalukyang pinag-aaralan ngayon ng IRRI na inaasahang lulutas daw sa problema ng mga Pilipino sa kakulangan sa Bitamina A. – ulat ni Clariza de Guzman