SAVE MARY JANE ACTION NETWORK CENTER, PANSAMANTALANG ISINARA

Bagaman isinara na ang Save Mary Jane Action Network Center ay patuloy pa rin ang laban ng pamilya at mga tagasuporta ni Mary Jane Veloso para iligtas ang kanyang buhay mula sa hatol na kamatayan sa Indonesia.

Ayon kay Allan Bonifacio ng Migrante Partylist, ililipat lang ang center sa tahanan ng mga Veloso sa barangay Caudillo sa Cabanatuan at tatawagin nang Justice for Mary Jane and to all Victims Compatriots Abroad Action Network.

Layunin umano nito na mas palawakin ang panawagan para isalba ang buhay ni Mary Jane kasama ang iba pang mga Pilipino sa labas ng bansa na mga nakakulong, nakahanay sa death row, at mga biktima ng kawalan ng hustisya.

Paliwanag ni Bonifacio, ang pagkakaurong ng pagbitay kay Mary Jane ay resulta ng pagkilos ng mamamayan kaya napilitang umaksyon ang gobyerno ng Pilipinas para umapela sa kaso ni Mary Jane.

Panawagan ng Migrante kay Ma. Cristina Sergio na itinuturong recruiter ni Mary Jane, ilabas na nya ang katotohanan at ilantad ang sindikato na nasa likod ng pagbebenta ng illegal na droga.-Ulat ni  Clariza De Guzman