VICTORY RALLY SA PAGKAKALIGTAS NI MARY JANE VELOSO SA BITAY, INILUNSAD NG ILANG PROGRESIBONG GRUPO

Hindi man lubos ang kaligayahan ng pamilya at supporters ni Mary Jane Veloso dahil sa muling pagpapaliban ng bitay sa kanya, ay itinuturing itong unang hakbang sa tagumpay sa pagsalba sa kanyang buhay.

Naglunsad ng caravan, ang mga supporters ni MJ, sa pangunguna ng Migrante International, AMGL  o Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon, MARTYR-Nueva Ecija, Rural Missionary of the Philippines, at Mothers and Relatives Against Tyranny and Oppression.

Mula Lungsod ng Cabanatuan, tumulak ang caravan patungong Mendiola kung saan nagsagawa ng victory rally kasabay ng kanilang patuloy na panawagan para sa tuluyang pagligtas sa buhay ni Mary Jane.

Nagpasalamat ang grupo ng mga supporters ni MJ sa lahat ng mga Pilipinong nanalangin para kanya, at sa mga walang sawang nakikiisa sa patuloy na panawagan upang papanagutin ang tunay na may sala.

Samantala, makatindig balahibong suporta ang ipinakita ng mga Novo Ecijano sa isinagawang symbolic action, walang anumang reklamo ang nadinig mula sa mga nagmamadaling mga commuters sa kabila ng uwian na at papa-agaw na ang dilim.

Pinasalamatan din ang mga media na itinuturing na isa sa mga may pinakamalaking ambag upang maiparating sa sambayanang Pilipino at buong mundo ang buhay at pakikibaka ng pamilya Veloso

Maging si Lola Milagros Fiesta, na nawalan na ng pag-asang maililigtas pa ang apo ay nabuhayan ng loob at masayang pinasalamatan ang naging papel ng media sa kaso ng apong matagal nang hindi nakakapiling.

Si Mary Jane Veloso ay ina ng dalawang menor de edad na batang lalaki, nakipagsapalaran sa bansang Indonesia upang maiahon sa kahirapan ang pamilya, biktima ng human trafficking, nahulihan ng 2.6 kilong heroin sa naturang bansa noong taong 2010 at nahatulan ng parusang bitay.- Ulat ni Bituin Rodriguez