MGA NOVO ECIJANO, NAG-INGAY MATAPOS ANG 72 HOURS NA PALUGIT KAY MARY JANE VELOSO

Nag-ingay sa pamamagitan ng pagsigaw at pagbusina ng mga sasakyan ang mga Novo Ecijanong sumusuporta kay Mary Jane Veloso, matapos ang 72 hours na palugit para sa kanya.

Bilang pagpapakita ng pakikisimpatya sa naging kalagayan ni MJ ay nakiisa ang mga motorista at pasahero sa pag-iingay habang nakaharang sa gitna ng kalsada ang mga supporters, kamag-anak, at miyembro ng iba’t ibang progresibong samahan, sa N.E Crossing, kahapon.

Ayon sa Migrante, ang kanilang ginawang pag-iingay ay pagpapakita ng kanilang galit sa Gobyerno sa kakulangan sa pagsuporta at pagtulong kay MJ, maging sa Gobyerno ng Indonesia dahil sa kawalan ng katarungan para kay MJ.

Hindi makatao, yan naman ang naibulalas ng ilan sa mga emosyunal na taga-suporta ni MJ, ayon sa kanila hindi tamang maparusahan ng kamatayan si MJ dahil wala itong kasalanan.

Samantala, pinagtawanan naman ng Migrante ang sinasabi ni Ma. Cristina Sergio, ang tinuturong illegal recruiter ni MJ, ang pagkakaroon ng banta sa kanyang buhay at nagkomento ang grupo sa paghingi nito ng proteksyon sa mga otoridad.- Ulat ni Shane Tolentino