MGA BETERANONG SUNDALO NA NAMATAY NOONG WW II, PINARANGALAN NG MGA SUNDALONG PILIPINO AT AMERIKANO

Taun-taon ay bahagi na ng Balikatan Exercises ang Wreath Laying Ceremony bilang pagbibigay-pugay sa mga beteranong sundalo na nag-alay ng kanilang buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nitong nakaraang Lunes, sama-samang nag-alay ng bulaklak ang mga sundalong Pilipino at Amerikano sa dating Japanese Concentration Camp na ngayon ay tinatawag nang Pangatian Shrine.

Ang naturang Wreath Laying ay pinangunahan nina Brigadier General Henry Sabarre, Commander of the Army’s 703rd Brigade of the 7th Infantry Division at Brigadier General Gary Brito, Deputy Commander General-Support of the 25th Infantry Division – US Army Pacific.

Ang Pangatian Shrine sa Cabanatuan City ay kinikilala ng mga sundalong Amerikano at Pilipino bilang makasaysayang dambana ng sakripisyo dahil sa mga ibinuwis na buhay ng mga sundalo noong World War Ii.

Matatandaan na ang Pangatian Shrine ay dating kampong militar kung saan ikinulong ng Japanese Imperial Army ang mga sundalong Pilipino at Amerikano.

At upang iligtas ang mga preso, magkasama itong nilusob ng mga tauhan ng Alamo Scouts At US 6th Ranger Batallion.

Ang paglusob na ito ay itinuturing na “Great Raid” sa kasaysayan ng US military.

Sa katunayan ay ginawa pa itong pelikula noong 2005.

Dito napatunayan umano na noon pa man ay buo na ang samahan ng mga sundalong Pilipino At Amerikano. –ULAT NI JANINE REYES