ASIAN AND FILIPINO RESTAURANT SA BAYAN NG RIZAL, PATOK SA MGA PAROKYANO

Karaniwan na tuwing bakasyon ang pagdagsa ng mga bakasyonista at biyahero na umuuwi sa kani-kanilang mga probinsya.

At sa mga ganitong panahon nga raw mas lumalabas ang ugali nating mga Pinoy na sadyang mapaghanap sa mga bago lalo na sa ating panlasa.

Kung ikaw ay nagawi na sa probinsya ng Aurora  siguradong narating mo na  ang bayan ng Rizal dito sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ngunit, nakasisiguro ka bang walang nakalampas na bago sa iyo?

Tulad na lamang ng pinakabagong Asian and Filipino Restaurant na ito sa brgy. Poblacion Centro sa bayan ng Rizal na unang kainang iyong makikita ilang oras bago mo marating ang Aurora.

Pinakabago ngunit isa raw sa mga sumisikat na kainan roon ang Centro Culina Restaurant na pagmamay-ari ng pamilya Muncal.

Ayon kay Lea Ivy, Disyembre ng nakaraang taon lamang naitayo ang kanilang kainan na nagsimula sa konseptong nabuo ng kaniyang ina.

Target market ng pamilya Muncal ang mga turista at biyaherong nag-istop over sa kanilang bayan patungo sa gawi ng Baler, Aurora.

At isa sa mga pinakapatok sa kanilang mga parokyano ay ang kanilang seafood pancit.

Pagmamalaki ng pamilya, naiiba raw ang kanilang pancit kumpara sa iba pang matitikman sa maraming kainan dahil bukod  sa seafoods ang isinasahog dito ay original recipe rin ito ni Lea Ivy na nag-aral ng Culinary Arts sa isang International School for Culinary Arts and Hotel Management sa probinsya ng Pampanga.

Sa presyong mula P500 hanggang P1,000 meron ka nang masarap na seafood pancit ala Culina.

At bukod sa pancit, matatakam ka rin sa kanilang fish at culina burger na base sa kanilang mga parokyano, patok  sa panlasang Pinoy partikular sa ating mga Novo Ecijano.

Sa halagang swak sa inyong budget mae-enjoy nyo na ang Filipino at Asian Dishes dito lang sa Centro Culina Restaurant.- Ulat ni Mary Joy Perez