Pera at Negosyo: PAGTATANIM NG ORGANIC VEGETABLES, PINAPALAGANAP SA BUONG LALAWIGAN NG DIYOSESIS NG SAN JOSE CITY

Luntian ang kulay, masustansya at masarap ang mga gulay lalo na kung ito ay fresh o bagong pitas!

Si Mang Carding, hilig niya raw ang gulay lalo na ang kaniyang mga sariling ani galing sa kanilang green house sa Domus Mariae sa bayan ng Nampicuan.

 

Isa kasi si Mang Carding sa mga nagpapalaganap at nagpapakilala ng organic vegetables sa Nampicuan alinsunod sa adhikain ng Dioscese of San Jose City.

 

Taong 2013 nang simulan ng Diyosesis ng lungsod ng San Jose sa pangunguna ni  Bishop Roberto C. Mallari, Obispo ng Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija katuwang ang ilang sektor ang proyektong (DSEC) Diocesan Spiritual and Ecology Center bilang malaking hakbang sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang DSEC ay isa lamang sa marami at malaking proyekto ni Bishop Bobet Mallari na naglalayon na mapalaganap ang Organic/Sustainable Agriculture hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa buong bansa.

Pagmamalaki pa ni Mang Carding, isa sa mga matiyagang nag-aalaga ng mga organic vegies ay ang dating sikat na aktres na si ChinChin Gutierrez na isang Ecologist at founding chairman ng Alaga-Lahat, Inc.  na ilang taon ring namalagi sa Nampicuan.

Sari-saring gulay tulad ng kamatis, sitaw, talong, sili at iba’t ibang klase ng letus ang siyang maingat at mabubusing inaalagaan nina Mang Carding sa Domus Mariae.

Sa ngayon, bagaman  hindi pa umano gaanong malawak ang market o nararating ng mga nasabing gulay ay umaasa naman sina Mang Carding na matututunan at malalaman din ng publiko partikular ng mga Novo Ecijano ang sustansiyang hatid ng mga ito sa kabila ng bahagyang kamahalan  sa mga ordinaryong gulay na nakikita sa mga pampublikong pamilihan. Ulat ni Mary Joy Perez