PANUKALANG MAGPO-PROTEKTA SA MGA ANTI-DRUG LAW ENFORCERS, INAPRUBAHAN NG RPOC 3

Inaprubahan ng Regional Peace and Order Council 3 sa pamumuno ng Chairman na si Governor Aurelio Umali ang inihaing mosyon ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane na magpo-protekta sa mga anti-drug law enforcers kontra sa pangha-harass ng mga drug traffickers at drug pushers.

Layunin nito na matulungan ang mga tagapagpatupad ng batas laban sa harassment ng mga nahuhuling violators, tulad ng pagsasampa ng kaso sa mga pulis na nakakahuli ng mga malalaking drug personalities gaya ng mga pulitiko.

Paliwanag ni Governor Ebdane, maraming pulis ang natatanggal sa serbisyo dahil sa pangha-harass ng mga malalaking personalidad.

Kaya importante aniya na makabuo ng mga panukala ang RPOC para protektahan ang mga anti-drug officers na kadalasang kinakasuhan ng extortion ng mga lumalabag sa batas para lang makaligtas.

Kailangan umanong gumawa ng hakbang ang RPOC upang alisin ang ganitong sistema dahil kung pababayaan ito ay baka wala ng manghuli ng mga drug pushers and drug personalities.-Ulat ni Clariza De Guzman