PAMILYA VELOSO AT MIGRANTE, PATULOY ANG KAMPANYA PARA MAALIS SA DEATH ROW SI MARY JANE SA INDONESIA

Umaasa pa rin ang mga kaanak at kaibigan ng overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso na bababa ang kanyang sentensiya kundi man mapawalang-sala sa kasong pagdadala ng illegal na droga sa Indonesia.

Bagaman lumabas kamakailan ang isang interview ni Indonesian President Joko Widodo kung saan sinasabi nito na dapat igalang ang batas ng Indonesia ay hindi pa rin tumitigil ang mga taga-suporta ni Mary Jane.

Habang hininihintay ang magiging proklamasyon ng gobyerno ng Indonesia kaugnay sa kahihinatnan ng kaso ni Mary Jane, kaliwa’t kanan ang mga kampanya at panawagan para mailigtas ang kanyang buhay.

Patuloy rin umanong nakikipag-ugnayan ang pamilya Veloso katuwang ang Migrante Partylist sa mga kinauukulan upang ipaglaban ang karapatang pantao ni Mary Jane, ang karapatang mabuhay at ipagtanggol ang kanyang sarili.

Bumubuo na rin umano ng alyansa sa iba’t ibang samahan ang Migrante tulad ng Integrated Bar of the Philippines, National Union of People’s Lawyer, at simbahan upang paigtingin ang laban para kay Mary Jane.- Ulat ni Clariza De Guzman