MAHIGIT ISANG LIBONG KABATAAN, NAKIISA SA SUMMER YOUTH CAMP SA GAPAN CITY

Nakiisa ang mahigit isang libong mga kabataan na nagmula sa Lalawigan ng Nueva Ecija, Aurora, at Bulacan, sa Summer Youth Camp ng United Pentecostal Church sa Lungsod ng Gapan, habang naging panauhin naman si Governor Aurelio Matias Umali, na nagbahagi ng mensahe para sa mga kabataan.

Layunin ng Summer Youth Camp na lalo pang mapalago ang mga kabataan sa pagkakakilala sa Panginoon upang mailayo sila sa anumang bisyo na maaaring makasira sa kanilang kalusugan at kinabukasan.

Sa aktibidad na isinagawa kagabi, inalayan ng mga kabataan ng isang panalangin ng paggabay at pagpapala si Gov. Oyie at ang kanyang buong pamilya.

Hiniling ni Gov. Oyie sa mga kabataan na ipagdasal ang Lalawigan ng Nueva Ecija, maging ang buong bansang Pilipinas na tila uhaw sa mga salita ng Diyos, at naniniwala siya na mas malakas ang panalangin kung ito ay manggagaling sa mga kabataan.

Ayon naman kay Pastor Michael Garcia ng United Pentecostal Church, kada taon nila inilulunsad ang ganitong klase ng aktibidad upang maipakita ang kanilang pagmamalasakit sa lipunan bilang mga taga hasa ng mga kabataan para hindi sila maligaw ng landas.

Magtatagal ng isang linggo ang Youth Camp na sinimulan na noong lunes, kung saan magkakaroon ng iba’t ibang aktibidades bawat araw na makatutulong sa pagpapalago ng pananampalataya ng bawat nakiisa dito, kaya lubos ang pasasalamat ng United Pentecostal Church sa Gobernador sa mga tulong na ibinigay nito sa kanila.

Samantala, pinasalamatan at hinikayat naman ni Gov. Oyie ang United Pentecostal Church na muling bumalik sa Lalawigan upang maipagdasal ang bayang pinaglilingkuran.- Ulat ni Shane Tolentino