ISPORT NA KARATE-DO, PATULOY NA SINUSUPORTAHAN NG PROVINCIAL GOVERNMENT; 3RD GOVERNOR “OYIE” UMALI ALL LUZON KARATEDO CUP, MATAGUMPAY NA NAISAGAWA

Sa ikatlong pagkakataon, matagumpay na naisagawa ang taunang Governor Aurelio “Oyie” Umali All Luzon Karate-do Cup na proyekto ng Provincial Government sa tulong ng Nueva Ecija Karate-do Federation at Philippine Karate-do Federation- NSA Inc.

Kamakailan ay dumagsa sa Robinson’s Townville, Cabanatuan City ang mahigit sa apatnaraang (400) kalahok mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon tulad ng Baguio City, Laguna, National Capital Region, Nueva Ecija, Tuguegarao, at iba pa, upang makipagtunggali at mapatunayan ang angking galing sa naturang isport.

Ayon kay Gregorio Lacorte, founder ng Maharlika Karatedo Kai Of The Philippines International at kasalukuyang pangulo ng Nueva Ecija Karate-do Federation, bukod sa layuning mailayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo, layunin rin ng naturang kompetisyon na sanayin ang mga kabataan sa sport na karate-do at mapatunayan sa lahat na ito ay isa sa pinaka-ligtas na laro sa mundo ng martial arts.

Naglaban-laban ang mga kabataang kalahok sa dalawang kategorya. Una ay sa “karate-do kata competition” kung saan ipinakita ng mga young karate players ang kanilang mga mahuhusay na techniques sa isang exhibition.

Ikalawa naman ang “karate-do kumite competition” kung saan maaari na nilang gamitin ang mga techniques na ipinakita sa kata competition sa pamamagitan ng isang katunggali.

Sa isinagawang kompetisyon, hinati rin ang mga kabataan base sa kanilang edad para sa mas patas ang labanan.

Malaki umano ang naitutulong ng Governor’s Cup sa mga karate-do players. Ilan sa mga kabataang lumahok ay itinuturing ang kompetisyon bilang training para sa mga susunod nilang laban sa National o International Games.

Samantala, patuloy umanong umuunlad ang sport na karate-do sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa suporta ng Provincial Government, sa pangunguna ni Governor Oyie Umali. – ULAT NI JANINE REYES.