Combined Exercise ng Philippine at US Army, sinimulan na

Nagsagawa ng Air Assault Training ang mahigit sa 200 kasundaluhan ng pinagsamang Filipino at US Army, sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City, bilang pagsisimula ng combined field training ng Pilipinas at US sa ilalim ng Balikatan 2015.

Layunin ng Air assault Training na mabihasa ang magkabilang pwersa ng kasundaluhan sa Black Hawk at Chinook Helicopter, na makatutulong sa maayos at epektibong operasyon tulad ng contingency operation, humanitarian assistance, at disaster operation.

Tatlong UH-60 Black Hawk at dalawang CH-47 Chinook Helicopters mula sa US ang ginamit ng grupo sa pagsasagawa ng Air Assault Training sa kabundukan ng Palayan City.

Nakilahok bilang regular Infantry Men sa kauna-unahang pagkakataon ang mahigit sa isang daang Armed Forces of the Philippines Reserved Command sa Balikatan ngayong taon, dahil bilang mga Territorial Defense Force ay kinakailangan nilang mahasa, masanay at mahubog sa iba’t ibang mga operasyon na maaari nilang matutunan sa naturang training.

Ang Air Assault ay isa lamang sa maraming pagsasanay na isasagawa bilang bahagi ng FTX o Field Training Exercises at CALFEX o Combined Live Fire Exercise sa mga susunod pang araw bilang bahagi ng balikatan exercise sa bansa na nasimulan na noong lunes at magtatapos sa April 30 2015.

“Great Experience”, ganyan naman inilarawan ni Capt. Barker ang kanilang karanasan sa pagdaong sa bansang Pilipinas, dahil sa nakita nitong mga katangangian ng mga pinoy tulad ng pagiging mabait, palakaibigan at propesyonal.