BB. ZARAGOZA 2015 MARIA ISABELLA VICTORIA LIWAG, SUSUPORTAHAN UMANO ANG IBA’T IBANG PROGRAMA PARA SA BAYAN NG ZARAGOZA

Bukod sa pagiging modelo ng kagandahan at talino, patutunayan umano ni Maria Isabella Victoria  Liwag, Binibining Zaragoza 2015, na ang tunay na kahulugan at layunin ng pagiging beauty queen ay ang pagtulong na maiangat ang kinakatawan na lugar at makapagbahagi ng mabubuting gawain sa kapwa.

Ayon sa kanya, ang kanyang korona umano ang magiging susi upang maibahagi niya sa kanyang mga kababayan ang mga programang nais niyang isagawa at suportahan.

Isa lamang si Liwag sa labinganim na kalahok ng naturang kompetisyon na inabangan ng mahigit sa isang libong manonood na dumagsa sa isinagawang Coronation Night sa Zaragoza Municipal Gymnasium kamakailan.

Ito ang nagsilbing highlights ng pagdiriwang ng kapistahan o ng 137th Founding Anniversary ng bayan ng Zaragoza.

Ayon kay Johnny Bacani, Binibining Zaragoza Organizer and Director, taun-taon ay pinagaganda nila ang presentasyon ng taunang kompetisyon.

Isa rin umano sa ipinagmamalaki ng Binibining Zaragoza ay ang pagkakaibigan ng bawat kandidata.

Bawat kandidata ay rumampa suot ang kanilang casual wear, cultural costumes, swim wear, at evening gown.

Bukod sa angking kagandahan, nabilib rin ang mga manonood sa kanilang mga matatalinong pagsagot sa Question And Answer Portion.

Sa kalagitnaan ng kompetisyon, hinarana ng Gma7 Teen Idol na si Jake Vargas ang mga kalahok dahilan upang kiligin hindi lamang ang labinganim na contestants kundi maging ang lahat ng manonood.

Iba’t ibang awards ang tinanggap ng mga kalahok mula sa Municipal Government, Provincial Government, at iba’t ibang sponsors.

Itinanghal bilang 4th runner up si Binibining 11.

3rd runner up naman si Binibining 5.

Si Binibining 2 naman ang itinanghal bilang 2nd runner up, habang si Binibining 14 naman ang 1st runner up.

Naging emosyonal naman si Liwag matapos koronahan bilang pinakabagong Binibining Zaragoza.

Samantala, bukod sa crown, sash at trophies, ang mga nagwagi ay tumanggap din ng gift packs, at cash prizes. – ULAT NI JANINE REYES.