1,500 MAGSASAKA, NAKIBAHAGI SA LAKBAY PALAY NG PHILRICE

Mahigit kumulang sa 1,500 magsasaka na nagmula pa sa iba’t-ibang probinsiya, ang dumalo sa Lakbay Palay ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice. Nilakipan ito ng temang “Sa diskarteng tumpak, ani ay swak na swak.”

Ang Lakbay Palay ay ginaganap dalawang beses sa isang taon, ito ay ilang araw na pag-aaral ng mga magsasaka at mga extension worker, tungkol sa mga hamon at problema na nakapaloob sa produksiyon ng bigas.

Ayon kay Assistant Secretary Edilberto De Luna Office In Charge ng PhilRice, mahalaga na maging updated ang mga magsasaka sa mga bagong kaalaman na natutuklasan ng PhilRice.

Ipinakilala ng PhilRice ang mga bagong barayti ng palay na aangkop sa pabago-bagong panahon. Katulad na lamang ng tubigan, mestiso, salinas at katihan.

Iminumungkahi din ng PhilRice ang mga makabagong paraan ng pagtatanim, katulad ng mga bagong makinaryang pambukid na nakatutulong umano sa mga magsasaka upang mapabilis ang mga gawain sa bukid.

Dagdag pa ng PhilRice, ang paggamit ng mga makabagong makinarya ay maaaring magdulot ng mas mataas na ani sa mas mababang gastusin.

Patuloy pa din ikinakampanya ng PhilRice ang programang “Gusto namin milyonaryo kayo” upang mabago ang lumang kaisipan ng mga magsasaka na kakaunti lamang ang umaasenso sa pagsasaka.

Ayon kay Jerry Esteban National Gawad Awardee for Rice Integrated Farming at isang certified milyonaryo, na malaking tulong ang mga natutunan niyang pamamaraan sa PhilRice.

Ang susunod na Lakbay Palay ay gaganapin sa buwan ng Oktubre.- Ulat ni Danira Gabriel