PHO, NAGBABALA SA PUBLIKO LABAN SA FOOD POISONING NGAYONG TAG-INIT

Nagbabala ang PHO o Nueva Ecija Provincial Health Office sa publiko na mag-ingat laban sa food poisoning ngayong panahon ng tag-init kung kailan madaling masira ang mga pagkain dahil sa matinding init ng panahon.

Ayon kay Provincial Health Officer DR. Benjamin Lopez, malimit sa ganitong mga panahon ang pagkalason sa pagkain na madaling masira, lalo na kung ito ay expose sa sikat ng araw.

Ipinapayo ni Lopez na dapat na tiyaking malinis ang pagkakahanda ng pagkain, malinis ang tubig na gagamitin sa paghuhugas at pagluluto nito at de-kalidad ang mga sangkap sa ilulutong pagkain. Sa ganitong paraan, maiiwasan umano ang food poisoning, diarrhea at iba pang mga sakit na maaaring makuha sa mga sira o panis na pagkain.

 

Dapat ring ihiwalay ang hilaw na pagkain sa luto na at tiyaking nalutong mabuti ang mga pagkain lalo na kung ito ay karne at manok. Dagdag pa ng Doktor na dapat tiyakin na kung iiwan ang pagkain ay nakapwesto ito sa mayroong safe temperature o hindi masyadong naiinitan.

 

Paalala pa ng ahensya, ibayong pag-iingat sa pagluluto ang dapat na gawin upang hind imaging biktima ng food poisoning. Samantala sa kasalukuyan, wala pa naman umanong naitatalang kaso ng food poisoning sa lalawigan. –Ulat ni Mary Joy Perez