GOV. OYIE UMALI, NAKIKIPAG-UGNAYAN NA SA LIGA NG MGA GOBERNADOR PARA KAY MARY JANE VELOSO

Nakikipag-ugnayan na si Governor Aurelio Matias Umali sa liga ng mga Gobernador upang matulungan ang Pilipinang napabilang sa death row sa bansang Indonesia na si Mary Jane Veloso, tubong Nueva Ecija, na nahulihan ng 2.6 kilong heroin sa kanyang maleta noong taong 2010.

Bagamat hindi pa umano personal na lumalapit ang pamilya Veloso kay Gov. Oyie ay handa naman niyang suportahan ang pamilya nito sa abot ng kanyang makakaya.

Bilang bise presidente ng League of the Governors ay gumagawa na ang Gobernador ng mga hakbang upang makipag-ugnayan sa   mga lider ng National Government upang makatulong sa legal na laban ng kababayang Novo Ecijano.

Si Mary Jane ay single parent ng dalawa nitong anak, nabiktima diumano ng kanyang kababata na si Maria Kristina P. Sergio na nangako ng trabaho sa kanya sa bansang Indonesia at nagbigay ng maletang naglalaman ng 2.6 kilong heroin, at nahatulan ng bitay sa naturang bansa.

Tiwala si Gov. Oyie sa aksyon na ginagawa ng Gobyerno, partikular ang DFA o Department of Foreign Affairs, upang matulungang maialis si Mary Jane sa death row.- Ulat ni Shane Tolentino