44 NA EMPLEYADO NG MUNISIPYO NG PANTABANGAN, PINASISIBAK NI MAYOR HUERTA

Pinasisibak na ni Mayor Ruben Huerta ang apatnapo’t apat na mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan ng Pantabangan.

Base sa Memorandum na ibinaba ni Huerta na may petsang April 1, 2015 muli nitong inatasan ang lahat ng Department Heads ng Munisipyo na tapusin na ang trabaho ng lahat ng co-terminus, casual, at job order employees dahil umano sa kakulangan ng pondo.

Umaabot sa apatnapo at apat na kawani ang nanganganib na mawalan ng trabaho; apat na casual employees sa ilalim ng Office of the Municipal Mayor, limang co-terminus, at tatlumpo at limang job order.

Naninindigan naman ang mga nasabing empleyado na hindi sila aalis sa trabaho dahil naniniwala sila na walang karapatan si Huerta para gawin ito dahil si Mayor Lucio Uera pa rin umano ang dapat na kilalaning tunay na Punong Bayan ng Pantabangan sa bisa ng Temporary Restraining Order na inilabas ng Court of Appeals.

Ayon sa Private Secretary ni Mayor Lucio Uera, matagal na ang kasong kinasangkutan ni Mayor Uera ngunit ngayon lang nagdesisyon ang Ombudsman kaya naniniwala sila na nagkaroon ng pagkakamali sa naging proseso nito.

Nananawagan ang mga supporters ni Mayor Uera sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na madaliin ang pag-aayos ng kasalukuyang sitwasyon sa Pamahalaang Lokal upang matuldukan na ang kaguluhan sa Pantabangan.- Ulat ni Clariza de Guzman