TRAINING PROGRAMS NG PHILIPPINE COUNCILOR’S LEAGUE LEGISLATIVE ACADEMY O PCL-LA SA LALAWIGAN NG NUEVA ECIJA, NAGSIMULA NA

Nagsimula na ang seminar-school type class ng Philippine Councilor’s League Legislative Academy o PCL-LA Nueva Ecija Chapter nitong nakaraang Sabado, ika-sampu ng Abril sa Sierra Madre Suites, Palayan City.

Mahigit kumulang tatlumpung (30) public officials at government employees mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija ang nagsimula nang pumasok at mag-aral sa offered course na Public Administration ng naturang akademya.

Matatandaang opisyal na ibinaba sa lalawigan ang naturang programa sa tulong ng Provincial Government at ng PCL Nueva Ecija Chapter sa pangunguna nina Governor Aurelio Umali at Bokal Peter Marcus “Makoy” Matias.

Pangunahing layunin nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga public officials at government employees na makakuha ng Bachelor’s o Masters Degree sa loob lamang ng isang taon upang mas mapaunlad pa ang kanilang pamumuno at pagbibigay ng tapat na serbisyo.

Nakapaloob sa unang Module o Training Program ang Ladderized Governance kung saan tinalakay ang depinisyon at iba’t ibang teorya ukol sa Public Administration at Employee’s Good Work Ethics.

Paliwanag ni Dr. Helario Caminero, PCL-LA Executive Director,  itinuro nila ang kaugnayan ng mga tinalakay na teorya sa mga naging trabaho ng mga public officials at ang mas malawak na kaalaman ukol sa pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga tao.

Inamin naman ng mga dumalong public officials at government employees na sa unang araw pa lang ng klase ay marami na silang natutunan.

Bilang Presidente ng PCL Nueva Ecija Chapter, nagdesisyon si Bokal Matias na pumasok sa PCL-LA. Ayon sa kanya, hindi niya umano lubos akalain na marami pa pala siyang hindi nalalaman sa paglilingkod sa bayan.

Dagdag pa ni Matias, hindi lamang tungkol sa trabaho ang kanilang natutunan sa dinaluhang training.

Samantala, nilinaw ni Dr. Caminero na ang PCL-LA Nueva Ecija Chapter ay bukas pa rin hanggang sa susunod na buwan para sa mga public officials at government employees na nais pang mag-enroll o pumasok ngayong taon.

Ang susunod na Training Program ay gaganapin sa Old Capitol, Cabanatuan City sa darating na ika-dalawampu’t  dalawa hanggang ika-dalawampu’t apat ng Mayo. – ULAT NI JANINE REYES