MGA EMPLEYADO NG MUNISIPYO NG PANTABANGAN, NALILITO SA DALAWANG MAYOR

Tensyonado ang mga kawani ng munisipyo sa bayan ng Pantabangan dahil sa pagkakaroon ng dalawang mayor matapos na ihain ng Department of Interior and Local Government ang kautusan na nagluluklok kay Vice Mayor Ruben Huerta bilang bagong alkalde at nagpapaalis naman kay Mayor Lucio Uera sa kanyang pwesto.

Base sa isang pahinang order ng DILG na may petsang March 13, 2015, tinatanggal ng Ombudsman sa kanyang serbisyo si Mayor Uera dahil napatunayan itong guilty para sa mga kasong Grave Misconduct at Grave Abuse of Authority dahil sa illegal na pagtatanggal nito ng apatnapo’t apat na permanent employee ng Pamahalaang Lokal ng Pantabangan noong taong 2005.

Ngunit nanatili sa kani-kanilang mga tanggapan ang dalawa, si Uera sa Office of the Municipal Mayor, at si Huerta sa Office of the Municipal Vice Mayor, na parehong ginaganapan ang pagiging Punong Bayan.

Ayon sa Private Secretary ni Uera, na si Gerardo Sator pinanghahawakan nila ang Temporary Restraining Order na ibinaba ng Court of Appeals na may petsang March 24, 2015 na nag-uutos ng pagpapanatili kay Uera bilang Mayor.

Habang si Huerta naman ay sumusunod lang aniya sa itinakda ng batas.

Dahil dalawa ang alkalde, dalawa rin ang gumaganap na mga hepe ng Municipal Human Resource and Management Office at Municipal Treasurer Office.

Para makaiwas sa gulo ay sa parehong HR na lamang naglo-log in at nagla-log out ang mga empleyado.

Ang problema, simula ng iisyu ng DILG ang nasabing kautusan noong March 18, 2015, ay hindi na sumusweldo ang mga kawani.

Inaasahan naman ng kampo ni Uera na makakasweldo na ang mga kawani sa lalong madaling panahon makaraang i-recognize ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang TRO na inilabas ng CA sa pamamagitan ng liham na may lagda ni Provincial Administrator Abesamis para kay Provincial Treasurer Rosario Rivera kung saan kinikilala si Uera bilang siya pa ring Mayor..- Ulat ni Clariza De Guzman