Barangay Justice Nabundol ng Kotse, Patay! ; Kelot, Niratrat ng Tandem sa Inuman

Gabaldon- Aksidente umanong nabundol ng kotse ang Barangay Justice ng Ligaya sa bayan ng Gabaldon.

Kinilala ang biktimang si Eustaquio Tolentino y Sabino, singkwenta’y nuebe anyos.

Habang ang  suspek ay kinilalang si Glenbert Cristobal y Ramos, bente nueve anyos, binata, residente ng barangay Sta. Arcadia, Cabanatuan City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas tres ng hapon habang binabagtas ng biktima sakay ng kanyang mountain bike ang kahabaan ng National Highway patungo sa direksyon ng Cabanatuan ng mabangga ng Toyota Corolla na minamaneho ng suspek na kasunod ang isa pang sasakyan.

Idineklarang dead on arrival sa Gabaldon Medicare Community Hospital ang biktima samantala inaresto naman ng mga pulis na rumesponde ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Gabaldon Police Station.

Bongabon- Tinamaan ng bala ng hindi pa natutukoy na baril sa kanyang ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang lalaking pinagbabaril ng riding in tandem habang nakikipag-inuman sa barangay Sisilang, Bongabon.

Kinilala ang biktimang si Julius Palo y Reyes, kwarenta’y tres anyos ng naturang lugar.

Ayon sa saksi, bandang alas nueve ng gabi nag-iinuman sila ng biktima sa gilid ng kalsada ng dumating ang dalawang hindi nakilalang suspek at bigla na lamang niratrat ang biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek samantala agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima. Ulat ni Clariza de Guzman