UPHOLSTERER, PATAY SA RIDING IN TANDEM SA CABANATUAN CITY

Patay ang isang upholsterer matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng sa Barangay San Isidro, Cabanatuan City, April 8, 2015 ala-una ng tanghali.

Kinilala ang biktima na si Raul Cayanan, 52 taong gulang ng Del Pilar Street Cabanatuan City.

Ayon sa saksing itatago natin sa pangalang RJ, habang ginagawa ng biktima ang kanyang trabaho sa Cayanan Upholstery ng barilin ng magkasunod ng mga suspek.

Nang marinig ni RJ ang dalawang putok ng baril ay tumakbo na aniya siya palayo sa kanyang kinaroroonan.

Matapos bumulagta ang biktima agad na tumakas ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Pareho umanong nakasuot ng t-shirt at maong na pantalon ang mga salarin. Natatakpan naman ng maskara ang mukha ng gun man na nakaangkas sa motor.

Samantala, panlulumo at pagkagulat naman ang naramdaman ng asawa ng biktima na si Remalou Cayanan. Ayon sa kanya, wala naman itong kagalit o nakakaaway.

Habang isinusulat ang balitang ito ay iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring insidente.- Ulat ni Philip “Dobol P” Piccio