BAYAN NG ZARAGOZA, ABALA NA SA PAGHAHANDA PARA SA NALALAPIT NA TOWN FIESTA

Abala na ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Zaragoza sa paghahanda para sa kanilang nalalapit na town fiesta o ang pagdiriwang ng kanilang 137th founding anniversary.

Ayon kay Donna Manucdoc, konsehal ng bayan at over-all organizer ng pagdiriwang, ang tunay na petsa ng kanilang kapistahan ay April 4-5, ngunit dahil natapat ang petsang ito sa paggunita ng semana santa ngayong taon ay minabuting ipagdiwang nila ang masayang pista sa darating na April 16-17.

Dagdag pa ni Manucdoc, nakalinya na ang mga kaabang-abang na activities at events na kanilang isasagawa bago pa man sumapit ang mismong araw ng kapistahan.

Una na rito ang kauna-unahang body builder/muscles showdown sa darating na ika-labindalawa ng Abril na inaasahang lalahukan ng maraming body builders mula sa naturang bayan.

Katulad ng mga nagdaang pista, bibigyan pa rin ng espesyal na araw ang mga magsasaka ng bayan sa ika-labintatlo ng Abril. Dito itatampok ang iba’t ibang kompetisyon na may kinalaman sa palay o bigas.

Sa April 13 rin masasaksihan ang pasiklaban ng boses at husay sa pagkanta ng mga taga-zaragoza sa gaganaping “Zaragoza idol 2015”.

Ngunit may malaki umanong pagbabago ngayong taon dahil kung noon ay halos mga kabataan ang naglalaban-laban. Ngayon ay pagbibigyan naman ang mga mang-aawit na may edad trenta pataas.

Pinaka-inaabangan naman taun-taon ang patalbugan ng mga dalagang kalahok sa Binibining Zaragoza.

Ngayong taon ay masasaksihan ang kanilang mga ipinagmamalaking talento sa gaganaping pre-pageant at talent night sa april 14.

Habang sa april 15 naman magkakaalaman kung sino ang karapat dapat na magwagi ng korona bilang binibining zaragoza 2015 sa gaganaping coronation night.

Sa April 16 naman ang Zaragoza Night  kung saan imbitado ang lahat ng mamamayan ng lahat ng barangay at iba’t ibang departamento ng munisipyo upang sama-samang magsaya.

Sa pagsapit naman ng araw ng kapistahan matutunghayan ang nag-uumapaw na mga aktibidad tulad ng cultural activities and cheerdance competition, thanksgiving mass, parade of floats, at prusisyon ng mga patron ng mga simbahan kabilang ang Saint Vincent Ferrer Church at Aglipay Church. –Ulat ni Janine Reyes