PDRRMC, nagbantay upang masiguradong hindi makakapaminsala ang bagyong Chedeng

Naging maagap ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council sa paghahanda para sa Bagyong Chedeng. Bago maglandfall ang Bagyong Chedeng ito ay tinaguriang isang super typhoon na may lakas ng hanging umaabot ng 180 kph at bugsong umaabot ng 250 kph.

Dahil sa posibilidad na dumaan ito sa Carangglan ay naghanda agad ang PDRRMC. Araw ng Sabado ay umakyat pa ng Signal No. 2 sa lalawigan ng Nueva Ecija, dahilan upang mag bente kwatro oras ang pagbabantay ng PDRRMC.

Ayon sa datos ng Provincial Agriculturist, sampung porsyento pa ng mga magsisibuyas ang hindi nakakaani sa ating lalawigan. Habang halos lahat naman ng tanim na palay ay naani na.

Naging paksa rin ang posibleng landslide at flashflood sa Carranglan na kung hindi humina ang bagyo ay ito dapat ang pinakamaaapektuhang lugar sa Nueva Ecija.

Sa kasaysayan ng bansang Pilipinas, ilang mga bagyo na ang naitala na kumitil sa buhay ng libong katao.

Tinatayang nasa 20,000 katao ang namatay noong September, 1881 typhoon. Ito ang may pinakamataas na mortality rate sa lahat ng bagyong naitala sa bansa.

Pumapangalawa na dito ang bagyong Haiyan o Yolanda na umabot sa 6,241 ang dami ng taong binawian ng buhay dahil sa bagyong ito.

Dahil sa bangis ng ibat ibang bagyo na pumasok sa ating lalawigan, sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali ay napagtibay ang PDRRMC upang makatulong sa oras ng sakuna.

Pangatlong bagyo pa lamang ang Chedeng na pumasok sa loob ng ating bansa. Tinatayang aabot sa 20 bagyo ang papasok sa loob ng bansa kada taon.- Ulat ni Amber Salazar