PAMILYA NI MARY JANE ANG VELOSO, MASAMA LOOB SA DFA

Naglabas ng sama ng loob ang pamilya ng Pinay na bibitayin sa Indonesia na si Mary Jane Veloso sa DFA o Department of Foreign Affairs dahil, bukod sa hindi na nga sila tinulungan ay minaliit pa daw sila ng mga ito.

Nagtungo ang pamilya ni Mary Jane sa DFA upang humingi ng tulong na mapuntahan ito sa Indonesia, ngunit pang-iinsulto ang kanilang natanggap mula sa mga ito, ayon sa nakatatandang kapatid ni MJ na si Darling Veloso.

Sa pahayag ni Darling, si Patricia ay Secretary sa DFA na may hawak ng kaso ni MJ, ngunit hindi nila alam ang buong pangalan nito, at ito aniya ang nagbigay ng cellphone number ng isang abogadong hindi rin nila nakilala sa pangalan, na nagsabing tanggapin na nila ang naging kapalaran ni MJ.

Simula ng makulong si MJ ay hindi umano sila natulungan ng DFA, bagkus ay puro pangako lamang ang kanilang narinig na hindi naman nabigyan ng katuparan.

Samantala, nagsagawa ng Vigil Prayer ang pamilya, kamag-anak at mga kaibigan ni MJ, sa pangunguna ng Migrante Nueva Ecija, sa kanilang tahanan upang ipagdasal ang kaligtasan nito mula sa hatol na kamatayan, kasunod ang candle lightning at pagtutulos ng kandila.

Ayon kay Cris Valdez ng Migrante Nueva Ecija, wala pa ring proteksyon ang pamahalaan para sa mga OFW’s sa buong mundo, kaya naman dumarami pa rin ang nabibiktima ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso at pangmamaltrato.

Trabaho sa loob ng bansa, pagkakaroon ng pambansang industrilisasyon, at tunay na reporma sa lupa, mga pangangailangan ng mga Pinoy upang hindi na makipagsapalaran sa ibang bansa, ayon pa kay Valdez.

Kauna-unahang Pilipinang nasalang sa Death row sa Indonesia si Mary Jane Veloso dahil sa drug trafficking, at kung sakali ay pang-walo siya sa mga OFW’s na mabibitay sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III.- Ulat ni Shane Tolentino