PAMILYA NG BIBITAYING PINAY SA INDONESIA, UMAAPELA NG TULONG

Umaapela ang pamilya ng Overseas filipino worker na si mary jane veloso sa lahat ng mga pilipino sa buong mundo na makiisa upang palakasin ang panawagan na mailigtas ang kanyang buhay mula sa ipinataw sa kanya ng indonesian government na parusang  bitay dahil umano sa drug trafficking.

Naniniwala ang pamilya ni Mary Jane na hangga’t nabubuhay pa siya ay mayroon pang pag-asang mapawalang sala siya o maisalba ang kanyang buhay mula sa bitay.

Ayon sa nakatatandang kapatid nito na si Marites Veloso-Laurente, pinangarap ni Mary Jane ang matulungan ang kanilang pamilya upang makaahon sa kahirapan, sa kabila ng pagiging single parent niya sa dalawa nitong anak, ay nakipagsapalaran siyang mamasukan sa ibang bansa.

Si Mary Jane ay bunso sa limang magkakapatid, at pagbobote bakal ang tanging ikinabubuhay ng kanilang pamilya na nag-udyok sa kanya upang mangibang bansa.

Kababakasan ng pait at pighati ang mga mata ng ama nitong si Mang Cesar na nagsabing hindi man niya nagawang mapag-aral sa Kolehiyo ang kanyang anak na si Mary Jane ay tanging pangaral lamang ang kanyang naibahagi sa anak, pangaral na maging isang mabuti at mababang loob sa kapwa.

Nagsusumamo ang pamilya ni Mary Jane sa Pangulo na huwag nitong hayaan na maulit ang nangyari noon kay Flor Contemplacion na pinatawan din noon ng kamatayan nang wala namang kasalanan.

Batid nila na may mga tao daw na hindi naniniwalang inosente si Mary Jane, pero naniniwala pa rin at naninindigan ang pamilya nito na wala siyang kasalanan. – Ulat ni Shane Tolentino