PAGPAPATAAS NG ANTAS SA PAMAMAHAYAG, TAMPOK SA LEVEL UP TRAINING NG NEPCI

Naging tampok sa inilunsad na dalawang araw na training ng Nueva Ecija Press Club Incorporated ang pagpapataas ng antas sa kaalaman at kakayahan sa pamamahayag na ginanap sa NIA-UPRIIS Training Center, Cabanatuan City.

Dinaluhan ng mga local journalist, media practitioner, at mga college student mula sa iba’t ibang eskwelahan sa lalawigan ang training na inorganisa ng NEPCI na may titulong Level Up; Refresher on Journalism Skills and Professional Advancement.

Ayon sa Presidente ng NEPCI na si Steve Gosuico, masaya siya na naisakatuparan na ang dating pangarap lang na training sa kabila ng ilang mga aberya na naranasan ng kanilang grupo mula sa paghahanda hanggang matapos ito.

Isa sa mga naging resource person ng  nasabing pagsasanay si Professor Ben Domingo Jr., mas kilala bilang Ben Dom, chairperson ng CHed Technical Committee for Journalism at dating guro ng UP Diliman at Central Luzon State University.

Tinalakay ni Ben Domingo ang pag-unawa at pagpapahalaga sa reponsableng pamamahayag kung saan binigyang diin nito na dapat na magbalita ang isang reporter ng lampas sa nakasanayang nilalaman ng balita na umiikot sa 5 W’s and 1 H o Who, What, When, Where, Why, at How.

Ani Ben Dom, ang tunay na mamamahayag ay may adbokasiya na mapalaya ang nakararaming mamamayan na inaapi at pinagsasamantalahan.

Ilan pa sa mga naging resource person na nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa pamamahayag sina Professor Ramon Valmonte ng Wesleyan University-Philippines, Carlos D. Marquez ng NUJP-Nueva Ecija Chapter, at Tonyo Cruz ng Manila Bulletin.- Ulat ni Clariza de Guzman