KASAMNE Chairman Hilario De Leon, aminadong nabigyan ng import permits ng Bureau of Plant Industry

Aminado si KASAMNE o Katipunan ng mga Samahang Magsisibuyas ng Nueva Ecija Chairman Hilario De Leon na nakakuha sila ng tatlumpong import permits kung saan walo dito ang kanilang nagamit, samantala dalawamput dalawa pa umano ang nasa kanilang mga kamay.

Isa ang KASAMNE sa limang kooperatiba ng magsisibuyas sa Nueva Ecija na nabigyan ng mga import permits at miyembro ng NOAT o National Onion Action Team na nagdidikta sa Gobyerno kung dapat o hindi dapat mag-importa ng mga sibuyas sa labas ng bansa.

Ayon kay De Leon, nabigyan sila ng mga import permits bunsod ng kakulangan sa puting sibuyas ng Pilipinas, dahil buwan pa lamang aniya ng Setyembre ay nauubos na ang mga ito.

Binigyang diin ni De Leon na walang pumapasok na smuggled onion sa kanilang kooperatiba at pawang mga lokal na sibuyas lamang ang naroroon sa kanilang storage.

Itinanggi ni KASAMNE Chairman De Leon na may kinalaman ang kanilang kooperatiba sa isyu ng pagbebenta ng mga import permits na ibinibigay sa kanila ng BPI o Bureau of Plant Industry.

Sa ekslusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Nueva Ecija Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis, sinabi nito na nababahala sila sa tunay na estado ng mga import permits na naipamahagi sa mga kooperatiba, dahil ilan sa mga ito ay ginagawang hanap-buhay ang mga naturang permit.

Natuklasan ng Provincial Government sa naganap na annual forum ng mga magsasaka, na may limang kooperatiba mula sa Nueva Ecija na nabigyan ng mga import permits, kabilang na ang KASAMNE, Bagong Sigla Credit Cooperatives, Magsasaka ng Brgy. Vega Producer Cooperative, Magtutumana ng Sta. Rosa Multi-purpose Cooperative at National Onion Growers Cooperative Mktg.

Nabatid na sa halagang 7, 120, 000 pesos napasa-kamay ng isang nag-ngangalang George Sy ang ilan sa mga import permits na hawak ng Bagong Sigla Credit Cooperative na pinamumunuan ni Vilma Camatu.

Pangamba ng Pamahalaang Panlalawigan na posibleng nagagamit ng mga smugglers ang mga import permits na nanggaling sa BPI, dahil sa mabilis na pagdating ng mga imported na sibuyas sa bansa.

Kakasuhan na ani PA Abesamis ng Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali ang mga taong sangkot sa naturang anumalya na wala aniyang ibang intensyon kundi ang patayin ang industriya ng sibuyas sa lalawigan.- Ulat ni Philip “Dobol P” Piccio