GLASS INSTALLER, NABAGSAKAN NG SALAMIN, PATAY!; NATIONAL HIGH SCHOOL, NILOOBAN

Cabanatuan City- Hindi sukat akalain ng pamilya ng isang taga-instila ng salamin na ang ikinabubuhay nito ang siya ring magiging dahilan ng kanyang kamatayan ng aksidenteng mabagsakan ito ng salamin sa ulo.

Kinilala ang biktimang si Elmer Atayde y Esteban, trenta’y uno anyos, may asawa, glass installer ng COMGLASCO AG, residente ng barangay Caalibangbangan, Cabanatuan City.

Ayon sa ulat, bandang alas onse kwarenta ng umaga habang kumukuha ng ACRYLIC sheet sa stock file ang biktima ng tamaan sa ulo ng laminated glass.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival.

Palayan City- Pinasok ng mga hindi nakilalang kawatan ang canteen, TLE, at isang classroom ng Palayan City National High School kung saan natangay ang mahigit Php 8, 000 na halaga ng mga paninda at kagamitan.

Natuklasan na lamang ng gwardiya ng naturang eskwelahan na wasak ang door knob ng mga nabanggit na kwarto kaya nagawang makapasok ng mga magnanakaw.

Tinangay ng mga suspek ang sar-saring paninda mula sa canteen na nagkakahalaga ng Php 1, 200, dalawang rice cooker na nasa loob ng TLE room, isang typewriter na nasa halagang Php 3, 200, at isang unit ng speaker.- Ulat ni Clariza de Guzman